‘DRAMA’ NI DUQUE TINABLA SA KAMARA

HINDI kinagat ng ilang mambabatas ang tila pagdadrama ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III nang maging emosyunal ito sa pagdinig ng Kamara.

Ayon kay Deputy Speaker Bienvenido Abante, mas nakakaawa ang mga medical frontliner lalo na ang mga nurse na walang tulog pero hindi nakatatanggap ng benepisyo kaysa kay Duque.

Sa pagdinig ng Kamara sa Commission on Audit (COA) report hinggil sa P67.3 billion pondo sa COVID -19 na kuwestiyonable uman ang paggamit ay naging emosyonal si Duque kung saan sinabi nito na “.. mula noong Wednesday na lumabas po ito (COA report), hindi na po ako nakakatulog, ang mga kasama kong mga opisyal sa DOH, hindi na rin halos nakakatulog. Bakit ‘ka ninyo? Sa kahihiyan.”

“Bilang kaibigan ni Sec. Duque, naaawa ako sa kanya dahil sa sinabi nya na hindi sya makatulog. Pero sa totoo lang, mas concerned po ako sa ating mga nars, na bukod sa walang tulog, walang benepisyo,” ani Abante.

Lumabas sa pagdinig ng Kamara na 27% pa sa mga eligible health worker ang hindi nakatatanggap ng benepisyo gayung napaso na ang Bayanihan 2 na sinimulang ipatupad noong Setyembre 2020 at natapos noong Hunyo 30, 2021.

Katumbas umano ito ng 150,000 health workers na naghihintay pa hanggang ngayon ng benepisyo tulad ng risk allowance na P5,000 kada buwan at P3,000 na hazard pay kahit may pondo na para rito.

Pinoy ang nawarat

Samantala, sinabihan naman ni House assistant minority leader France Castro si Duque na itigil ang pagdadrama at pag-aakusa sa COA na nagwarat umano sa imahe ng DOH dahil sa report nito.

“Puro drama at palusot pag nakitaan ng mga anomalya at bahid ng korapsyon. Ang buhay at kabuhayan ng mamamayang Filipino ang matagal nang winawarak sa kapalpakan ng administrasyong ito,” Castro.

Reaksyon ito ni Castro sa sinabi ni Duque na “..winarat na ninyo kami eh, winarat na ninyo ang dangal ng DOH. Winarak ninyo ang lahat ng

mga kasama ko dito, hindi kami makaharap sa mga tao dahil lahat ang dami-daming sinasabi, ang dami-daming paratang”.

Sinabi ng mambabatas na matagal nang winarat ng DOH ang mga Filipino dahil hindi naging maayos ang pagtugon ng mga ito sa pandemya simula pa noong 2020 kaya hanggang ngayon ay nagdurusa ang sambayanan. (BERNARD TAGUINOD)

155

Related posts

Leave a Comment