QUEZON – Patay ang isang rider habang sugatan ang dalawang backrider nito matapos na ang sinasakyang motorsiklo ay sumemplang at sumalpok sa railings ng highway sa bayan ng Catanauan sa lalawigang ito, noong Linggo ng tanghali.
Ayon sa report ng Catanauan Police, dead on arrival sa ospital ang biktimang si Phillip Abenilla, 37, dahil sa grabeng pinsala sa ulo.
Sugatan naman ang magpinsang backrider nito na sina Jason Organo, 29, at Elmer Caparos, 25, pawang mga residente ng Barangay Bulagsong, Catanauan.
Batay sa imbestigasyon, tinatahak ng tatlo ang Lopez-Catanauan national highway sakop ng Barangay Canculajao patungo sa direksyon ng kanilang barangay nang mawalan ng kontrol ang nagmamaneho.
Bunsod nito, sumalpok ang motorsiklo sa concrete railings ng highway bago bumaliktad.
Sugatang isinugod sa ospital ang tatlo na grabeng napinsala sa ulo at katawan dahil pawang walang suot na helmet. (NILOU DEL CARMEN)
