TIMBOG sa pinagsanib na operasyon sa pagitan ng Bureau of Customs at Philippine Drug Enforcement Agency ang P3 milyong halaga ng drogang nakatakdang dalhin sa Baguio City nito lamang nakaraang linggo.
Arestado sa joint controlled delivery operation sa Baguio City ang claimant ng 1,783 tablets ng Ecstasy o “party drugs” na ikinubli sa mga kobre-kama.
Ang nasabing operasyon ay magkatuwang na isinagawa ng BOC-NAIA, PDEA-Cordillera Administrative Region, NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) at Customs Anti-Illegal Drug Task Force Enforcement and Security Service (CAIDTF-ESS) sa tulong ng Customs Intelligence and Investigation Service Port of Manila Field Office (CIIS-POM) nito lamang Agosto 12.
Bukod sa drogang tinatayang may street value na P3.03M na nasabat sa nasabing operasyon, arestado rin ang isang Elisa Millare y Aguirre, na kumakatawan sa claimant na si Joyce Ann San Antonio.
Lumalabas sa records na ang subject package ay dumating sa Central Mail Exchange Center (CMEC) noong Hulyo 13, 2021, mula Neuss, Germany, at idineklara bilang “Bed Sheet, Children’s Pencil at pares ng sapatos.
Ang ilegal na droga ay inisyal na nadiskubre sa isinagawang non-intrusive x-ray scanning ng subject package ng X-ray Inspection Project (XIP NAIA) at K-9 sniffing.
Sa 100% physical examination na isinagawa ng customs examiner noong Hulyo 14, 2021, sa subject package ay nakita na naglalaman ng 1,783 piraso ng tableta na may iba’t ibang kulay.
Agad naman ipinadala ang samples ng ilegal na droga sa PDEA para sa laboratory testing at chemical analysis, kunsaan nakumpirmang ang nakumpiskang tablets ay Methylenedioxymethamphetamine (MDMA) o “Ecstasy” na classified bilang isang dangerous drug sa ilalim ng R.A. No. 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Kaugnay nito, ang claimant ay agad na ikinulong ng PDEA at iniimbestigahan para sa pagsasampa ng mga kaso sa paglabag sa R.A. No. 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na may kaugnayan sa Sections 119 at 1401 sa RA 10863 na kilala rin bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Sa pamamagitan ng patuloy na koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency and NAIA Inter-agency Drug Interdiction Task Group, Bureau of Customs sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero, at Port of NAIA nananatili sa kanilang pangakong pagpupursige sa kanilang mandatong pagpapalakas ng border protection sa hangad na matigil ang lahat ng tangkang smuggling ng illegal drugs papasok sa bansa.
Ito ay magsisilbi ring babala sa lahat at ibang personalidad na nasasangkot sa ilegal na aktibidad na ang Bureau of Customs at iba pang law enforcement agencies na patuloy nilang poprotektahan ang bansa laban sa illegal importations at pagtitiyak na makakasuhan ang mga nasa likod nito.
146 