PINAG-AARALAN ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang paggamit ng makabagong teknolohiya para sa mas ligtas, mabilis, at episyenteng serbisyo sa publiko.
Ayon kay PNP Chief P/Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., bahagi ng kanilang plano ang paggamit ng drones, data analytics, at interconnected systems upang maging mas handa at responsive ang pulisya lalo na sa panahon ng krisis.
“Layunin natin na magkaroon ng technology-powered PNP na mabilis makaresponde sa mga pangangailangan ng mga Pilipino, lalo sa oras ng sakuna at emerhensiya,” pahayag ni Nartatez.
Kasama sa isinusulong na proyekto ng PNP ang paggamit ng unmanned aerial systems o drones na makapagbibigay ng real-time monitoring sa mga operasyon. Magagamit ito sa kalamidad, search and rescue, traffic management, at law enforcement missions, upang agad makita ng mga ground commander ang aktwal na sitwasyon sa field.
Pinag-aaralan din ng PNP ang paggamit ng predictive analytics para sa crime prevention at emergency preparedness — gamit ang pagsusuri ng crime reports, mobility data, at mga tawag sa tulong, matutukoy nila ang mga posibleng hotspot ng krimen at mapapahusay ang pag-deploy ng mga tauhan at resources.
Tiniyak ni Nartatez na patuloy na magsasagawa ng mga inobasyon ang PNP upang makasabay sa digital age at mas epektibong mapangalagaan ang kapayapaan at seguridad ng bansa.
(TOTO NABAJA)
18
