UMABOT sa P92 milyong halaga ng umano’y shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad sa isang babaeng dayuhan na umano’y drug courier, sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 sa Pasay City noong Biyernes ng gabi.
Ang nasabing 40-anyos na babae na mula South Africa at may kasamang menor de edad, ay nadakip ng magkasanib na puwersa ng Bureau of Customs (BOC), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) at nakumpiska ang P92.24 milyong halaga ng umano’y shabu.
Napag-alaman, bandang alas-11:00 ng gabi noong Biyernes nang dumating sa bansa ang suspek lulan ng flight EK 334 mula sa Johannesburg, South Africa.
Sa isinagawang field test ng Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF), nabatid na positibo sa ilegal na droga at naglalaman ang luggage ng nasabing dayuhan ng 13,565 gramo ng umano’y shabu na tinatayang P92,242,000 ang halaga.
Natuklasan ang ilegal na droga sa false compartment ng luggage ng pasaherong dayuhan.
Kamakailan, nadakip ang isang Norwegian mational matapos makumpiskahan ng 8.34 kilo ng shabu na tinatayang P56.7 milyon ang halaga sa nasabi ring paliparan. (RENE CRISOSTOMO)
