NAGBABALA ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko laban sa mga kumakalat na mensahe na humihingi umano ng bayad kapalit ng pagpapalabas ng cash relief assistance (CRA).
Ayon sa DSWD, may mga ulat mula sa Field Office 2 (Cagayan Valley) hinggil sa mga indibidwal na naniningil ng ₱1,000 kapalit umano ng ₱5,000 tulong pinansyal sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.
Mariing itinanggi ng ahensya ang naturang gawain.
“Hindi kailanman naniningil o humihingi ng anumang halaga ang DSWD kapalit ng pagkuha ng tulong pinansyal. Ang ganitong gawain ay malinaw na panloloko,” ayon kay Assistant Secretary Irene Dumlao, tagapagsalita ng DSWD.
Sa hiwalay na pahayag, iginiit din ng Field Office 2 na walang anumang bayad ang pag-avail ng serbisyo ng ahensya.
Hinimok ng DSWD ang publiko na maging mapanuri at agad iulat ang mga kahina-hinalang mensahe o indibidwal na sangkot sa ganitong uri ng panloloko.
Binigyang-diin din ng ahensya na tanging mga opisyal na komunikasyon mula sa kanilang mga tanggapan at awtorisadong partner ang dapat paniwalaan hinggil sa kanilang mga programa at serbisyo.
(PAOLO SANTOS)
75 