(NI BETH JULIAN)
PINAALALAHANAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga airline companies na dapat tiyaking maayos ang kanilang serbisyo sa mga pasahero.
Ang paalala ng Pangulo ay kasunod ng ginawang pagkastigo nito ang flight delays at cancellations sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong nakaraang linggo.
Sa talumpati ng Pangulo sa ika-121 anibersayo ng Philippine Navy, inalala nito ang paghihirap ng mga pasahero dahil sa naranasang mga delayed flights.
“Merong isang eroplanong nag-landing and they stayed for five hours inside the plane, incoming. So merong tumawag late ng two hours, mag-book sila ng hotel. Kawawa talaga ang riding public,” sabi ni Duterte.
“So I told PAL (Philippine Airlines), and the rest of the carriers, the very essence of a common carrier, whether it is a jeep, a bus, an airplane, a ship, ang common ano diyan is for public interest and public governance, and convenience. If you cannot provide convenience and comfort, do we ought not to be there at all?” wika Pangulo.
Dahil sa nasabing mga aberya, inutusan ng Pangulo na madaliin ang pagsasayos ng Sangley Point para mailipat na ang lahat ng domestic flights para mabawasan ang kasikipan sa NAIA.
Nagbigay ng palugit ang Pangulo na kailangang sa Nobyembre ay matapos na ang nasabing paliparan.
Base sa talaan, umaabot sa mahigit 42 milyong pasahero ang lumalapag sa apat na terminals ng NAIA kada taon.
