(NI JJ TORRES)
MAKIKISOSYO ang NorthPort Batang Pier sa top spot sa pagharap kontra Rain or Shine Elasto Painters ngayong hapon sa PBA Commissioner’s Cup sa Mall of Asia Arena.
Alas-4:30 ng hapon ang Batang Pier Elasto Painters game, kung saan may bagong mukha sa katauhan nina Sol Mercado, Jervy Cruz at Kevin Ferrer ang tropa ni coach Pido Jarencio, matapos ang blockbuster trade na nagdala kay Stanley Pringle sa Barangay Ginebra.
Hindi pa tiyak kung makalalaro na ang tatlong players sa misyon ng Batang Pier na tumabla sa TNT KaTropa sa 6-1.
Pangungunahan ng import na si Prince Ibeh at ng locals na sina Sean Anthony at Mo Tautuaa ang bid ng Batang Pier na makabalik sa itaas ng standings.
Ang Rain or Shine ay minamataan naman ang ikatlong sunod na panalo matapos ang 0-2 start sa conference.
Maghaharap naman sa alas-7:00 ng gabi ang Meralco Bolts at NLEX Road Warriors.
Samantala, nagulantang ang fans ng Barangay Ginebra kahapon matapos makuha ng kanilang team ang star guard na si Stanley Pringle mula sa NorthPort Batang Pier.
Si Pringle ay pupunta sa defending PBA Commissioner’s Cup champion kapalit ang beteranong sina Sol Mercado at Jervy Cruz at ang third-year forward na si Kevin Ferrer.
Pero hindi pa magagamit ng Ginebra si Pringle na nagpapagaling pa ng foot injury. Katunayan ay apat na beses na itong hindi sumasalang sa NorthPort bago ang naganap na trade
