NANG humiling si Kevin Durant ng trade mula sa Brooklyn Nets noong Hunyo 30, o bago magsimula ang free agency ng NBA, ikinagulat iyon nang marami dahil kapipirma pa lamang niya ng contract extension.
Habang patuloy na naghihintay ang Nets sa ‘right trade’ para maipalit sa future Hall of Famer, nakatanggap ito ng offer mula sa karibal na Boston Celtics.
Kung matatandaan, ang Nets ay winalis sa playoffs ng Celtics na umusad sa NBA Finals at ngayon, nais nilang makuha ang serbisyo ni Durant.
Base sa ulat ng The Athletic at The Stadium, nakasentro kay All-Star Jaylen Brown ang trade.
Nananatiling nasa radar ang Toronto Raptors at Miami Heat sa trade issue ni Durant.
Maliban kay Brown, kasama sa offer package ng Boston si Derrick White at isang draft pick kapalit ni Durant.
Pero ni-reject ito ng Nets. Sa halip, bukod kay Brown ay gusto ng Brooklyn na isama si Defensive Player of the Year Marcus Smart, draft picks at isang potential rotation player.
Ayon pa sa ulat, malabong maisama si Smart at iba pang player o pick assets, ngunit bukas ang koponan para pag-usapan ang sitwasyon.
At habang hindi nagkakasundo ang magkabilang panig, si Durant ay mananatiling miyembro ng Nets.
May suhestyon din na kung hindi makakahanap ng ka-trade, panatilihin na lamang si Durant at maging si Kyrie Irving sa team at subukan muli ang kanilang tambalan.
Samantala, tatlong letra ang naging reaksyon ni Jaylen Brown sa trade issue kay Durant: “SMH” na ang ibig sabihin ay shake my head.
Maging ang ilang fans ay hindi sang-ayon sa Durant-Brown trade at ipinarating ang kanilang pagkadismaya sa social media posts. (VT ROMANO)
106