DUTERTE CAMP WALANG TIWALA SA ICI

KADUDA-DUDA at ilegal ang pagkakatatag ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) na nilikha ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ayon kay dating Political Affairs Secretary at dating Negros Oriental rep. Jacinto Paras.

Sa isang forum sa Kapihan sa Manila Bay nitong Miyerkoles, iginiit ni Paras na duplicate lamang ang komisyon sa mandato ng Office of the Ombudsman, na siyang pangunahing ahensyang nagsisiyasat sa mga kaso ng korupsyon.

Ayon kay Paras, nilabag ng ICI ang batas kaugnay ng malversation of public funds dahil wala umano sa 2025 General Appropriations Act ang pondo para sa naturang komisyon. Sinabi rin niyang mistulang inuulit ng ICI ang tungkulin ng Ombudsman dahil ang anomang ebidensiyang makakalap ng komisyon ay isusumite rin sa Ombudsman, na muling magsasagawa ng sariling pagdinig.

Dagdag pa niya, maaaring maging problema rin ang ugnayan ng ICI sa Pangulo dahil si Marcos mismo ang nagtatag ng komisyon. Aniya, ang konsultasyon ng ICI sa Pangulo hinggil sa mga resulta ng imbestigasyon ay maaaring magdulot ng pagdududa sa integridad ng mga kasong isasampa nito.

Ibinunyag din ni Paras na naghain na sila ng petisyon sa Korte Suprema upang kwestyunin ang legalidad ng ICI. Sa ngayon, tatlong petisyon na umano ang nakabinbin sa Supreme Court at hinihintay na lamang ng mga petitioner ang magiging desisyon ng hukuman.

(JULIET PACOT)

77

Related posts

Leave a Comment