PINAYUHAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Olympic gold medalist na si Hidilyn Diaz na kalimutan na ang mga taon ng paghihirap at pagkabigo dahil ito ang naghanda sa kanya para masungkit ang Olympic gold.
Sa virtual courtesy call ni Hidilyn kay Pangulong Duterte, pinasalamatan ng chief executive si Hidilyn para sa pagtitiis nito sa mga hirap na kanyang dinanas.
Inisa-isa rin ng pangulo ang mga gantimpala na makukuha ni Hidilyn batay sa mandato ng batas.
Kabilang na rito ang P10 milyon at ang Medal of Merit at promosyon sa Philippine Air Force.
“Salamat naman sa pagtiis mo. I hope that the years of toil, the years of disappointment, and the years na hindi maganda ang nangyari in the past, just forget them,” ayon sa pangulo.
Taong 2019 nang humingi ng pinansyal na tulong sa ilang pribadong kumpanya si Diaz para sa kanyang kampanya sa 2020 Summer Olympics sa Tokyo, Japan.
Sa Instagram story na pinost ni Diaz, tinanong nito ang ilang kumpanya kung ayos lang pondohan siya ng mga ito dahil hirap na hirap na siya.
Ilang beses nang pinatunayan ni Diaz ang kakayahan niya kabilang ang silver medal sa 2016 Rio Olympics at gintong medalya sa 2018 Asian Games.
Nasungkit din ni Diaz ang tatlong silver medals sa 2019 Asian Weightlifting Championships sa China. (CHRISTIAN DALE)
