DUTERTE NAGMATIGAS SA NO F2F CLASSES

HUMINGI ng tawad si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa mga magulang matapos niyang kontrahin ang ideya na payagan na ang physical classes sa gitna ng coronavirus disease pandemic.

“Ako naman nanghingi ng patawad sa inyong lahat sa nanay, tatay kasi delayed ang edukasyon ng mga bata. Patawarin niyo po ako kasi di ko kaya magbigay ng pahintulot na hindi na sila normal sa eskwelahan,” ayon kay Pangulong Duterte sa kanyang Talk to the People, Lunes ng gabi.

Ang paliwanag ng pangulo, hindi niya papayagan ang face-to-face classes hangga’t hindi niya nakukuha ang “clear picture” kung paano gumagana ang COVID-19 sa kalusugan ng mga tao.

Natatakot din ang chief executive na ang mas nakahahawang Delta variant ay makapinsala sa mga kabataan sa panahon ng physical classes.

Para naman kay Presidential spokesperson Harry Roque, pinupursige ng pamahalaan na mabakunahan na ang mga guro para maprotektahan ang kanilang mga estudyante sa oras na magbalik na ang face-to-face classes.

Noong nakaraang linggo ay kinontra ni Pangulong Duterte ang arrangement ng physical classes hangga’t hindi nababakunahan ang lahat laban sa COVID-19. (CHRISTIAN DALE)

115

Related posts

Leave a Comment