IGINIIT ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na hindi niya hinahadlangan ang nagpapatuloy na Senate investigation ukol sa imbestigasyon sa Pharmally Pharmaceuticals Corp.
subalit, inulit nito na hindi niya papayagan ang sinoman sa kanyang gabinete na dumalo sa imbestigasyon bilang resource persons.
Kasabay nito, hinamon niya ang Senado na kasuhan ang mga tao sa likod ng nasabing kumpanya kung may sapat silang ebidensya.
Ang katuwiran ng pangulo, walang oras ang mga miyembro ng kanyang gabinete na lumahok sa imbestigasyon dahil sa patuloy na paghahanap ng mga ito ng paraan para wakasan ang pandemic crisis.
“I have issued a memorandum. This memorandum because we cannot allow blatant disrespect of resource persons at the ongoing hearing of the Senate Blue Ribbon Committee,” ayon sa pangulo sa kanyang Talk to the People, Lunes ng gabi.
Sinabi ng pangulo, na maaari namang gawin ng Senado ang anomang nais nilang gawin sa Pharmally, subalit huwag idamay ang mga miyembro ng kanyang Gabinete.
“Again, if you think you have enough evidence against Pharmally to support your allegations, go ahead and file cases against them at the proper courts. The Senate is not a criminal court. Stop using it simply as a witch hunt,” ayon sa pangulo.
“‘Yung Pharmally, I said, gusutin ninyo nang husto. Tear it, whatever you want to do with that company. ‘Wag mo lang isali ang mga tao ko,” dagdag na pahayag nito. (CHRISTIAN DALE)
