Duterte: Sorry, pero .. FAMILY GATHERINGS, PARTY BAN MUNA

HUMINGI ng paumanhin si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa sambayanang Pilipino kaugnay sa pagbabawal sa family gatherings at iba pang party sa panahon ng Kapaskuhan bunsod ng COVID-19 pandemic.

“Would you be kind enough just to skip the festivities? Iwasan muna ninyo. You avoid it because it is for your own good and for the good of the community and eventually for the good of the country,” ayon sa Pangulo sa kanyang public address, Lunes ng gabi.

Aniya, ang pagbabawas ng mga bagay naa nakagawian na ng publiko tuwing holiday season ay para makaiwas sa pagkalat ng virus.

“Ngayon pa lang we are saying sorry that there will be a curtailment of so many things that you have been used to this Christmas time,” ayon sa punong ehekutibo.

Matatandaang, opisyal nang ipinagbawal ng mga alkalde sa Metro Manila ang pagsasagawa ng tradisyunal na Christmas caroling ngayong holiday season upang mapigilan ang pagkalat ng COVID- 19. (CHRISTIAN DALE)

o0o

TOTAL BAN SA PAPUTOK
PINAG-AARALAN NA

MAAARING ipatupad na sa Pilipinas ang total ban sa paggamit ng paputok tuwing holiday season simula sa susunod na taon.
Plano na kasi ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na magpalabas ng dokumento sa kalagitnaan ng taong 2021 na nag-uutos ng pagbabawal sa paggamit ng paputok.
“Baka next December, ibawal ko na ang putok . . . for reasons of public safety . . . because it is really a dangerous thing,” ayon sa pangulo.
Tinukoy ng pangulo ang kanyang bayan sa  Davao City bilang halimbawa kung saan ay sinabi nito na maaaring ipagdiwang nang ligtas ang holidays.
“Sa amin, maganda man New Year, Pasko. We celebrate it with the family may music, lahat na. Gaiety and all, walang nagsusugatan, walang namamatay,” ani Pangulong Duterte.
Sa ulat, napagkasunduan ng Metro Manila Council (MMC) na i-regulate ang fireworks display para sa pagsalubong sa 2021 bunsod ng patuloy na COVID-19 pandemic.
Ayon kay Parañaque Mayor Edwin Olivarez, chairman ng MMC, kailangang kumuha ng permit sa local government unit (LGU) kung gustong magsagawa ng fireworks display, kabilang ang mga nakatalaga nang community fireworks display. (CHRISTIAN DALE)

o0o

DOH PINAKILOS PARA
SA LIBRENG COVID TEST

IPINAG-UTOS ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Department of Health (DOH) na pag-aralan kung paano makapagbibigay ng libreng coronavirus tests sa government-run health facilities.
“If you can give me a figure… Tingnan ko kung may pera at magbili na lang tayo and in all government hospitals or in health centers, mabigay nating libre, free of charge,” ang sinabi ni Pangulong Duterte kay Health Secretary Francisco Duque III.
Nais ni Pangulong Duterte na targetin ni Sec. Duque ang pag-roll out ng libreng COVID-19 testing sa second quarter ng 2021.
Binigyang-diin ng pangulo na maaari kasing magtagal ang covid. (CHRISTIAN DALE)

o0o

DUTERTE IDINIPENSA ANG
PAGDAWIT KAY PEREZ SA DROGA

NAGPALIWANAG naman si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pagkakasama ng napaslang na si Los Banos Mayor Caesar Perez sa drug list ng gobyerno.
Ayon sa pangulo, produkto ng intelligence report ng mga nasa drug enforcement, pulis at militar ang pagkakabilang ng 66 taong gulang na alkalde sa listahan ng government officials na umano’y sangkot sa ilegal na droga.
Kaya ang mensahe ng pangulo sa pamilya ni Perez ay kanyang ikinalulungkot ang pamamaslang sa alkalde.
Ang alkalde ay pinagbabaril nitong nakaraang Huwebes sa mismong compound ng town hall, bandang alas 8:45 ng gabi.
Samantala, niresbakan ni Pangulong Duterte ang asawa ni dating Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog nang gamitin nito ang social media para sabihan ang una na mag-move on na pagdating sa pagkakadawit ng kanyang asawa sa ilegal na droga.
Nag-post kasi ang asawa ni dating Mayor Mabilog na si Marivic sa kanyang Facebook account na “Spend the holidays better. Do you really miss Jed? Move on. Better yet, get a life. You’re fast running out of one.”
Ang buwelta naman ng chief executive ay hindi niya desisyon ang pagkakasibak mula sa public office ni Mabilog kundi desisyon ng Ombudsman.
“Ito naman si Mabilog, nagyayawyaw ‘yong asawa. Look, it is not my fault that your husband’s name appears on that list. Hindi aking listahan ‘yan,” ani Pangulong Duterte.  (CHRISTIAN DALE)

o0o

YANTOK IPAGAGAMIT SA PULIS

NAIS ni Pangulong Duterte na ibalik ng mga pulis ang nakasanayang paggamit ng baton o yantok.
Para sa Pangulo, kailangan ito para masupil ang pagpalag ng mga maaarestong kriminal.
“Pagka gano’n, pinalo ka na ng pulis kasi ayaw mo sumama… Puwede kang paluin ng pulis sa paa then he must bring you to the station. That is the duty of the police, to insist,” ayon sa pangulo sa kanyang public address.
Nabanggit kasi ni Interior Secretary Eduardo Año ang paggamit ng “yantok” o rattan sticks ng mga police patroller para masukat ang distansiya sa publiko.
Aniya pa, maaari ring gamitin ito ng mga pulis bilang self-defense.
Nauna rito, binalaan ni Presidential spokesperson Harry Roque ang mga pulis na gagamit ng yantok o rattan sticks para parusahan ang mga lalabag sa  COVID-19 safety protocols.
Hindi pabor si Sec. Roque sa gagawing ito ng kapulisan sa mahuhuling violators ng health protocols sa COVID-19.  (CHRISTIAN DALE)

151

Related posts

Leave a Comment