(JESSE KABEL)
POSIBLENG mapalawig pa ang enhanced community quarantine na ibinalik simula nitong Lunes.
Ito ang inihayag kahapon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, chairman ng National Task Force Against COVID-19.
Ayon kay Sec. Lorenzana, bukas ang pamahalaan sa lahat ng hakbangin para mapigilan ang muling paglobo ng coronavirus sa bansa kabilang na ang pagpapalawig sa ipinatutupad ngayong isang lingo ECQ sa Metro Manila at apat na lalawigan sa paligid nito.
Nabatid sa kalihim na pinag-aaralan din ng pamahalaan kung sapat ang isang linggong ECQ para matigil ang pagtaas ng COVID-19 cases.
“So this one week is to me personally is an observation ano ang trend nitong covid virus,” anang kalihim.
Nilinaw ng kalihim na ang mga susunod na hakbang ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) pagkatapos ng isang linggong ECQ ay nakadepende sa pag-aaral at magiging rekomendasyon ng mga eksperto mula sa OCTA, kung ano ang dapat na mangyari bago sila magrekomenda ng susunod na hakbang.
Samantala, sinagot din ng kalihim ang batikos sa tila atrasadong galaw ng gobyerno sa pagpapairal ng ECQ na umano’y hindi natuto sa karanasan nuong nagdaang taon dahil sa hindi pagpapatupad ng strict quarantine nang umakyat na sa walong libo ang new cases sa loob ng may pitong araw.
Ayon sa kalihim, tama lamang ang timing ng pamahalaan sa pagpapairal ng ECQ. Bukod dito, dumaan muna aniya ito sa masusing pag-aaral at mga pagtalakay sa magiging epekto nito lalo na sa ekonomiya.
Paliwanag pa ni Lorenzana, ang IATF ay isang collegial body at kanilang pinag-aaralan lahat bago pagpasyahan ang isang resolution. “I think we did better than a lot of countries, yung spike nila is kung minsan 30 thousand a day, let us not compare ourselves to small countries like new Zealand or Denmark which has only about 10 million people, New Zealand is only 2.5 million people so hindi natin pwedeng ikumpara yung population natin dahil yung population ng Manila alone ha… is as big as the population of Denmark.
