CLICKBAIT ni JO BARLIZO
HINDI tumiklop kundi nanindigan ang dalawang matapang na babaeng mambabatas laban sa pagsisiga-sigaan ng kasamahan sa Kamara at senatorial aspirant na si AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee kamakailan.
Nitong nakaraang Lunes, pormal nang naghain ng ethics complaint sina Marikina City 2nd District Rep. Stella Quimbo at Barangay Health Wellness Party-list Rep. Nica Co laban kay Lee dahil sa sinasabi nilang pagbabanta sa kanila ng kinatawan ng AGRI habang nagaganap ang debate sa plenaryo para sa 2025 national budget noong Set. 25.
Ayon kay Quimbo, nilapitan siya ni Lee, dinuro-duro at pinagsalitaan ng:”Magwawala ako kapag hindi n’yo ako pinagsalita.”
Sa yugtong iyon, anang kinatawan ng Marikina, tapos nang magtanong si Lee at si House Senior Deputy Minority Leader Paul Daza na ang nagbibigay ng mga katanungan.
Sinabi ni Quimbo na ang pagsugod sa kanila ni Lee ay nagdulot sa kanilang dalawa ni Co ng matinding takot kung kaya napaiyak sila nang oras na iyon.
“Naghintay ako ng taos-pusong paghingi ng paumanhin. Tinimbang ang pros and cons dahil apektado ang mga indibidwal, pamilya, at institusyon. But in the end, nanaig ang paninindigan para sa kaligtasan ng mga babae dito mismo sa Kamara, the House of the People,” bahagi ng pahayag ni Quimbo sa media.
“But this is not just about me or Cong. Nica alone. This is largely about women’s workspaces being disrespected. Bilang mga babae sa trabaho, hindi dapat tayo tinatakot. Ngayon ko lang naramdaman ang pambu-bully ng isang lalaki sa Kongreso,” pagbibigay-diin niya.
Nilinaw ni Quimbo na bilang vice chairs ng House Committee on Appropriations, hindi nila hawak ni Co na makapamili kung sino ang mga magtatanong at ang tanging responsibilidad lang nila bilang budget sponsors ay sagutin ang interpellators na pinili ng House Minority.
“This is also about unparliamentary behavior. There are many microphones available in the plenary. May rules kung paano magsasagawa ng point of order… At may rules kung paano mag-apela sa presiding officer. This is how order is maintained on the floor. Any member of Congress is expected to know this,” aniya.
Para kay Quimbo, hindi dapat na mangyari sa ibang babae ang sinapit nilang dalawa ni Co, lalo na sa pinapasukang trabaho o opisina.
“Bilang isang babae, nauunawaan ko ang takot at pangamba na maaaring nararamdaman ng iba. Hindi kayo nag-iisa,” ani Quimbo.
Naku Cong. Lee, hindi makatutulong sa kandidatura mo sa pagka-senador sa 2025 mid-term elections ang reklamo sa ‘yong pambu-bully lalo pa’t kitang-kita sa mga umikot na video ang paninigaw at panduduro mo.
Sana pinag-igihan mo na lang ang trabaho kaysa dumagdag pa sa problema. Hindi na ko magtataka kung ekis ang ibigay sayo ng mga botante.
174