DUDA ang isang militanteng mambabatas sa Kamara na pondo sa eleksyon ang motibo sa pagbawi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa ban sa open-pit mining sa bansa.
“Mukhang nais ng administrasyong Duterte na mangolekta ng malaki mula sa kompanya ng mina bago mag-eleksyon kung kaya’t ngayon tinanggal itong ban sa open-pit mining,” alegasyon ni Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat.
Nagtataka ang mambabatas na kung kailan patapos na ang termino ni Duterte ay saka aalisin ang open-pit mining ban at lalong nakadududa aniya dahil ginawa ito bago umarangkada ang kampanya para sa 2022 presidential at local elections.
Dismayado rin ang mambabatas dahil isa sa mga ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 na ipasasara ang open-pit mining na nakasisira sa kalikasan.
Ikinatuwa aniya noon ng mga katutubo at mga environmentalist ang ipinatupad na ban sa open-pit mining subalit nakadidismaya na ngayon ay binawi ito ng DENR.
“Isa na naman itong pangakong napako ng administrasyong Duterte,” ayon sa mambabatas na nangangamba sa magiging epekto nito sa kalikasan at mga katutubo.
“Tiyak na magdudulot din ito ng mas matinding panunupil at malawakang pagpapalayas sa mga katutubo mula sa lupang ninuno,” dagdag pa ng katutubong solon.
Dahil dito, iginiit ng mambabatas na bawiin ang desisyon at makinig ang gobyerno sa mamamayan na siyang dapat aniyang magpasya kung paano gamitin ang likas na yaman para sa pagpapaunlad ng bayan.
Sa ngayon ay mga dayuhan ang karamihan sa mga operator ng minahan sa bansa. Halos wala ring pakinabang dito ang mga Pilipino dahil kakarampot ang royalty fees at ang mga nakukuhang mina ay dinadala sa ibang bansa imbes na iproseso rito.
Kahapon ay inanunsyo ng DENR na inumpisahan na nito ang pagrebisa sa mga kasunduang nilagdaan at polisiyang ipinatupad ng yumaong dating DENR Secretary Gina Lopez.
Bilang pambungad, inihayag ni Environment Secretary Roy Cimatu sa isang kalatas ang pagbasura ng DENR sa pagbabawal sa open-pit mining ng mga kumpanyang nagmimina ng tanso, ginto, pilak at iba pang metallic minerals na ipinatupad ni Lopez noong ito’y Kalihim pa ng departamento.
Sa kanyang nilagdaang Department Administrative Order No. 2021-40, tuluyan nang tinuldukan ang apat na taong tigil-mina sa mga kanayunan kung saan nagmumula ang mga mineral deposits na inaangkat ng bansa mula pa 2017.
Giit ni Cimatu, ang paglagda ng AO 2021-40 ay bilang tugon sa direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng mga hakbang na naglalayong muling pasiglahin ang ekonomiya ng bansang inilugmok ng dalawang taong pandemya.
Gayunpaman, hindi ikinagalak ng grupong Alyansang Tigil Mina (ATM) ang AO 2021-40. Anila, isang malinaw ng panlalansi ang ginawa nina Cimatu at Duterte na kapwa nangakong poprotektahan ang kalikasan laban sa mga mapagsamantalang kapitalistang hangad lamang ay kumita sa likas na yaman ng bansa.
“It’s a cruel Christmas gift and a truly ironic act of cowardice and betrayal from Cimatu and Duterte,” saad ng grupong ATM sa isang pahayag.
“At this time when climate change brings devastating typhoons such as Odette, lifting the ban on open-pit mining is a shortsighted and misplaced development priority of the government. Once again, the Duterte regime puts more premium on its flawed economic agenda categorizing destructive mining as an ‘essential industry’ as part of the pandemic recovery,” dagdag pa nito.
Iba naman ang pananaw ng Chamber of Mines of the Philippines (CMP) sa naging pasya ng pamahalaan. Anila, malaki ang kanilang maitutulong sa layunin ng administrasyong pabangunin mula sa pagkakalugmok ang ekonomiya ng bansa, kasabay ng pangakong trabaho at tulong sa mga higit na nangangailangan.
Kabilang sa mga inaasahang magbabalik operasyon ang malalaking mining companies tulad ng Tampakan copper project ng Sagittarius Mines Inc. sa South Cotabato at ang pagmimina ng ginto ng St. Augustine Gold and Copper Ltd. at King-king copper-gold project sa Compostela Valley.
Paglilinaw naman ng Kalihim, mananatiling bawal ang pagmimina sa mga ancestral domains, protected areas, watershed at mga agricultural areas. (BERNARD TAGUINOD/FERNAN ANGELES)
228
