ISANG buwan bago magwakas ang pagpaparehistro para sa halalan sa 2022, muling isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang panukalang huwag nang patawan ng buwis ang election honoraria ng mga guro.
Noong 2019, inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 1193 upang hindi na mapabilang sa gross income at hindi na mapatawan ng buwis ang honoraria, travel allowance, at iba pang benepisyong ipinagkakaloob ng Commission on Elections (Comelec) sa mga guro at poll workers sa ilalim ng Republic Act No. 10756 o ang Election Service Reform Act (ESRA). Noong mga nagdaang eleksyon, may limang (5) porsyentong buwis na ipinataw sa election honoraria at allowances ng mga guro.
Bagama’t may mga panukala ring taasan ang bayad sa mga guro para sa kanilang serbisyo sa halalan, nanindigan naman ang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture na ang pagbibigay ng buong halaga ng sahod at benepisyo ng mga guro ang pinakamagandang paraan upang pasalamatan sila sa kanilang serbisyo, lalo na’t hinaharap nila ang patuloy na banta ng COVID-19.
Paliwanag ni Gatchalian, ang sahod at benepisyo ng mga guro ay pinapatawan ng income tax kung ang annual taxable income nila ay lagpas sa dalawang daan at limampung libong pisong (P250,000) threshold ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law. Para naman sa mga kumikita ng mababa sa dalawang daan at limampung libong pisong (P250,000), kinakailangan pa ang deklarasyon ng tax exemptions. (ESTONG REYES)
161 