INUPAKAN ng isang grupo ng overseas Filipinos si Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile na tila nagbabalik umano sa dating estilo ng panggigipit.
Ito’y kasunod ng pagbabanta ng ilang OFW groups na nagsusulong ng Zero Remittance Week bilang protesta sa pagkakaaresto kay dating pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay AKO-OFW nominee Joseph Rivera, walang rason para bawiin ang tax privileges ng mga OFW kabilang na ang income tax exemption, travel tax exemption, at marami pang iba.
Dahil dito, bumuhos ang suporta ng overseas Filipino workers (OFW) sa AKO-OFW Party-list dahil sa paglalabas nito ng saloobin patungkol sa nasabing isyu.
Sinabi ng OFW na si Ginalyn Barce na karapatan nilang ipahayag ang kanilang saloobin bilang mamamayang Pilipino.
Aniya, huwag silang hamunin dahil taumbayan rin lang ang makakaharap ng pamahalaan.
Sinabi naman ni Jake Antonio, “Martial law na ba dahil lahat ay ipinagbabawal na?”
Tiniyak naman ng Malacañang na hindi papayagan ang anomang aksyon na mag-aalis sa pribilehiyo ng mga OFW.
Nauna nang nagbabala si Enrile sa posibleng idulot sa mga OFW ng planong protesta. Ipinaalala niya ang mga pribilehiyo ng mga ito na ibinigay ng Kongreso.
