‘SMOKING gun’ na maituturing ang pagsisiwalat ni DILG Sec. Jonvic Remulla hinggil na may “core group” na nagplano ng pag-aresto kay dating pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Senator Imee Marcos, ipinakikita nito na “planado at labag sa Konstitusyon” ang hakbang ng ilang matataas na opisyal ng pamahalaan.
“Ang pahayag ni Kalihim Jonvic Remulla ng Department of the Interior and Local Government na ang umano’y planong pag-aresto ay base lang sa tsismis, ay hindi kapani-paniwala,” sabi ni Marcos sa isang press briefing nitong Huwebes.
Dagdag pa niya, ang hindi kapani-paniwalang pahayag ni Remulla ay lalong nagpapatibay sa kinatatakutan ng marami — na mayroon nang planong arestuhin si Duterte kahit hindi pa nailalabas ang warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
“Ang pagtatangkang pagtakpan ang mga lumabas na sa media at ang mga nangyari na ay indikasyon ng isang masusing planong aresto kay dating pangulong Duterte, na nakalatag na bago pa man ang petsang nakasaad sa ICC warrant na Marso 11,” giit pa ng senadora.
Ibinunyag din ni Marcos na sa kanyang paunang pagsisiyasat ay lumitaw na nakapagpasya na ang pamahalaan na tumulong sa ICC sa pag-aresto kay Duterte, at nagsimula ang paghahanda bago pa man ang Marso 11.
“Na-mobilize na ang mga yunit ng pulisya noong Marso 10 pa lamang. Si National Security Adviser Eduardo Año ay mino-monitor na ang kilos ni Duterte, at may mga opisyal ng ehekutibo na nagsabing makikipagtulungan ang administrasyon sa ICC sakaling dumaan sa Interpol ang kahilingan para sa arrest,” ayon kay Marcos.
Binatikos din niya ang pahayag ni Remulla na binabalewala ang isyu na tila tsismis lamang, gayung ang pagsisiwalat ay nagbibigay aniya ng mas malinaw na larawan ng umano’y maingat na pinagplanuhang hakbang.
Ngunit ang higit aniyang nakababahala ay “Mayroong lantad na paglabag sa mga karapatan ng dating pangulo. Walang inilabas na warrant mula sa korte sa Pilipinas. Ang aresto ay hindi pasok sa mga eksepsiyon ng warrantless arrest. Ito ay tahasang paglabag sa mga pananggalang ng Konstitusyon para sa kalayaan at due process,” ani Marcos.
