TAPOS na ang maliligayang araw ng mga tinaguriang “epalitiko” o pumapapel na mga politiko sa Caloocan City sa sandaling pumasa ang “Anti-Epal” Ordinance ng Sangguniang Panlungsod na naglalayong supilin ang mga opisyal ng lungsod na nakagawiang isabit ang kanilang pangalan at larawan sa anomang ipinagagawa o natapos na proyekto ng lokal na pamahalaan.
Nakasaad sa Ordinance No. 11-170, ang lokal na mga opisyal ay pinagbabawalang iugnay ang kanilang pangalan o anomang sumisimbulo sa kanila sa mga proyekto, pampublikong sasakyan, permit o alinmang pag-aari ng lungsod o barangay.
Kung papasa, ipag-uutos din ng ordinansa ang pagtanggal sa anomang signages na naghahayag ng panukala o ginagawang proyekto na may pangalan o imahe ng sinomang pampublikong opisyal sa loob ng tatlong buwan.
Ang mga lalabag ay papatawan ng P3,000 multa o pagkakulong ng hindi lalagpas sa isang taon sa unang paglabag; P4,000 o pagkakakulong ng hindi lalagpas sa isang taon sa ikalawang paglabag, at P5,000 o pagkakakulong ng hindi lalagpas sa isang taon sa ikatlong pagsuway. (ALAIN AJERO)
318 