PATULOY na nararamdaman ng bansa ang pinagsama-samang epekto ng nagdaang Typhoon Crising, Dante at ng kalalabas pa lamang na Bagyong Emong, at habagat sa area of responsibility ng Pilipinas na nakaapekto sa buhay ng 3.8 milyong indibidwal o katumbas ng mahigit isang milyong apektadong pamilya mula sa 17 rehiyon sa bansa.
Sa bilang, 167,000 katao pa o higit 47,000 pamilya ang nanunuluyan sa mahigit 1,000 evacuation centers.
Sa huling datos na inilabas ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) nitong Biyernes ng umaga, umakyat na sa 25 katao ang reported death toll sanhi ng naging epekto ng habagat at magkakasunod na Bagyong Crising, Dante at Emong.
Ayon sa NDRRMC, sa nasabing bilang ay 22 ang for validation pa habang tatlo naman ang kumpirmadong nasawi dahil sa sama ng panahon na nagmula sa Regions 3, 10 at CARAGA.
Samantala, mayroon pang walong iniulat na nawawala at walo ang nasaktan.
Siyam ang iniulat na namatay sa Metro Manilan habang sa Calabarzon, Western Visayas, Negros Island, Northern Mindanao ay may naitalang tigtatlo; sa Central Luzon, Mimaropa, Davao Region, at Caraga ay may tig-isa.
May 2,900 kabahayan ang nasira, ayon sa NDRRMC, habang nasa P3.9 bilyon naman ang estimated damage sa imprastraktura at P366 milyon sa agrikultura.
Nasa 84 bayan at siyudad ang nagdeklara ng state of calamity, na nangangahulugan na kailangang payagan ang local governments na maglabas o humanap ng karagdagang pondo para sa kanilang disaster response. (JESSE KABEL RUIZ)
