NAIS ni Senador Erwin Tulfo na magpaliwanag ang Department of Health (DOH) kaugnay ng hindi nito pagbibigay ng guarantee letter o GL sa mahihirap na pasyente kahit sa pampublikong ospital.
Sa isang panayam, binahagi ng Senador na ilang mahihirap na indibidwal na humingi ng tulong sa kanyang opisina ang pinapunta nila sa DOH para kumuha ng GL ang pinabalik na lang daw sa ibang araw.
Aniya, “May isang pasyente na nais magpagamot sa Philippine Heart Center tapos sinabihan na bumalik na lang sa ibang araw.'”
Dagdag pa ni Sen. Tulfo, “mayroon din na indigent patient sa National Kidney Transplant Institute na sinabihan na ‘hintay-hintay lang muna daw.’ May sakit na nga yung tao, pinaghintay pa!”
Anang Senador “Magsabi kayo DOH kung wala na kayong pondo para hindi umasa ang mga tao. Hindi rin nila ginustong magkasakit sila kaya wag na sana dagdagan yung paghihirap.”
“Bakit naubos ang pondo, gayong sapat naman ang inaprubahan na pondo ng bicameral committee ng Senado at Kongreso para sa MAIFIP o Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients Program nila,” usisa pa ng senador.
Naniniwala rin ang neophyte senator na maaaring wala na ngang pera ang DOH kasunod ng mga reklamo ng private hospitals sa Region IV-A, lalo na sa Batangas patungkol sa umano’y P530 million na utang ng ahensya sa kanila.
Kamakailan lang, nagpabatid na rin ang mga nasabing ospital na maaaring ‘di na sila tatanggap ng GL hangga’t di nababayaran ang utang.
“We want answers…saan napunta ang pondo? Winaldas ba noong eleksyon? Or was the MAIFIP funds mismanaged?” tanong ni Sen. Tulfo.
