MAS maghihigpit ang Philippine National Police (PNP) ngayong pinayagan nang mag-operate ang mas maraming establisimyento sa kalakhang Maynila.
Ayon kay PNP Chief Police General Archie Gamboa, may direktiba na ang lahat ng police commanders na paigtingin pa ang police visibility sa mga business district sa kanilang areas of responsibility.
Kasunod ito ng anunsyo ni National Task Force on COVID-19 Chairman at Defense Secretary Delfin Lorenzana na papayagan na simula September 1 na mag-operate ang mas maraming business
establishments.
Ayon naman kay JTF COVID Shield commander, Police Lieutenant General Guillermo Eleazar, kailangang paghandaan ng mga police commander ang dami ng taong lalabas dahil sa mas maraming establishment ang magbubukas.
Aniya, inutos na niya sa mga police commander na makipag-ugnayan sa mga Local Government Unit (LGU) para sa operation guidelines sa pagpapatupad ng quarantine rules.
Samantala, itinuturing ng gobyerno na main market ang 21 below at 60 years old above age group na malaki sana ang maiaambag para sa mabilis na recovery ng ekonomiya.
Iyon nga lamang ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez ay ang mga nabanggit na age group ang bawal lumabas at pinapayuhang manatili sa bahay sa gitna ng ipinatutupad na quarantine protocol ng gobyerno.
Ito ayon kay Sec. Lopez ang isa sa dahilan kaya’t hindi nila inaasahang magiging gayun kabilis ang pagbabalik sigla at recovery ng ekonomiya.
Sa kasalukuyan sabi ni Sec. Lopez ay 75 porsiyento ng mga negosyo ang nagbukas na at maaaring umakyat sa 90 hanggang 94 porsiyento.
“Well, sa GCQ po, ang estimate ho natin mga around 75 na ho ang open. If you count the sectors, it can go up to mga 90 plus or 94% pero ang nakita nga ho natin hindi lahat nagbubukas eh,” anito.
Ganunpaman, aminado si Lopez na base na rin sa kanilang obserbasyon na kahit nga nagbukas na ang maraming negosyo ay hindi naman kaagad ganoon kadami ang mga customer.
Sa harap nito’ y nanindigan ang Kalihim na kailangang ibangon pa rin ang ekonomiya sa pamamagitan ng pagbabalik trabaho dahil ang pagtaas ng unemployment ay otomatikong pagtaas ng poverty level. (ANNIE PINEDA/CHRISTIAN DALE)
