EX-MAYOR ‘NANLABAN’ PATAY

ISANG dating alkalde sa bayan ng Maguindanao ang napatay matapos na arestuhin ng mga operatiba ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nang bigla umanong mang-agaw ng baril nitong Huwebes ng umaga habang inihahatid sa Camp Crame sa Quezon City.

Sa ulat na isinumite kay PNP chief, P/General Guillermo T. Eleazar, napatay matapos mang-agaw ng baril si dating Talitay, Maguindanao Mayor Montasser Sabal, alyas Sabal na may kinakaharap na kaso sa korte.

Sinasabing si Sabal na supplier ng mga baril at pampasabog ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), ay inagaw ang service firearm ng kanyang police escort na maghahatid sa kanya sa Camp Crame matapos madakip sa Port of Batangas.

Ayon kay P/Gen. Eleazar, si Sabal ay nadakip bandang alas-7:00 noong Miyerkoles ng gabi sa Batangas Port sa Batangas City, nang malaman ng National Capital Region Field Unit ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) operatives, ang pagdating nito mula sa Mindanao.

Armado ng arrest warrant sa kasong paglabag sa Republic Act 9516 with no bail recommended, at RA 9165 with P200,000 bail, isinagawa ang law enforcement operation ng CIDG operatives laban kay Sabal habang sakay ng Reyna De Luna 4 sa Port of Batangas.

Nakuha sa puting Toyota Innova ng suspek ang iba’t ibang klase ng matataas na kalibre ng mga baril at mga bala, mahigit 28 gramo ng umano’y shabu na P200,000 ang halaga, P48,840 cash, at limang cellphones.

Inaresto rin ng mga awtoridad sina Norayda Nandang, 43, house helper; Muhaliden Mukaram, 36, driver, at Aika de Asis, 34, house helper.

Ayon kay CIDG director, P/Maj. Gen. Albert Ignatius Ferro, hinabol din nila ang isang sasakyan na nakaparada sa parking lot ng Batangas City Port na pinaniniwalaang pag-aari rin ni Sabal, na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang Ailyn Compania, 45, house helper; Zuharto Monico, 28, driver, at Wilson Santos, 41, driver. (JESSE KABEL)

160

Related posts

Leave a Comment