“NO more face shields outside.’
Ito ang inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang Talk to the People nitong Miyerkoles.
Ayon sa Chief Executive, ang face shield requirement ay para na lang sa tinatawag na 3Cs — “close, crowded, close-contact.”
“No more face shields outside… Ang face shield, gamitin mo lang sa 3Cs: closed facility, hospital, basta magkadikit-dikit, crowded room, tapos close-contact. So diyan, applicable pa rin ang face shield,” paalala ng pangulo.
“Other than that, I have ordered kung ganoon lang naman, sabi ko then I will order that we accept the recommendation nitong executive department,” dagdag na pahayag nito.
Aniya, kaagad niyang ipinag-utos ang implementasyon ng guidelines hinggil dito.
Kaugnay nito, maglalabas ng bagong panuntunan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa panibagong desisyon ng pamahalaan na alisin ang face shield sa labas.
Ayon kay DILG Undersecretary Epimaco Densing, maglalatag ang DILG ng mas malinaw na guidelines, lalo na sa pagtukoy ng crowded o matataong lugar at aktibidad para maiwasan ang kalituhan.
Kabilang umano sa mga tutukuying crowded area ang palengke, terminal, at pampublikong transportasyon.
“Ide-define natin yung mga lugar na considered crowded, halimbawa ang mga palengke. May mga palengke kasi na open area pero considered crowded, kung kaya kailangang very specific tayo kung ano itong crowded areas,” ani Densing.
Itinuturing na magandang balita ng League of Cities of the Philippines ang bagong direktiba, na ayon kay Calapan City Mayor Arnan Panaligan, secretary-general ng samahan, kampante silang maiiwasan ang paglaganap ng COVID-19 basta’t magsusuot ng face mask at iiwasan ang mass gathering.
“Kapag naglalakad ka sa kalsada, ika’y nasa open space, nagja-jogging, hindi naman dapat magsuot n’yan. ‘Yan ay happy compromise, basta ang mahalaga ay laging may face mask. ‘Yun ang non-negotiable, ang face mask, sa panahong ito – tamang face mask at tamang pagsusuot. ‘Yun lang talaga ang protection natin,” ang sabi ni Panaligan.
Ikinatuwa rin sa mababang kapulungan ng Kongreso ang desisyon ni Pangulong Duterte na hindi na oobligahin ang mga tao na magsuot ng face shield maliban sa 3Cs.
“Finally, wearing the face shields in open air spaces is now optional,” ani ACT-CIS party-list Rep. Jocelyn Tulfo na unang nanawagan kay Duterte noong Mayo na tanggalin na sa health protocols ang pagsusuot nito dahil walang pruweba na nakatutulong ito para hindi mahawa ang mga tao sa COVID-19 bukod pa sa napapagastos lang ang tao.
Tinagurian din bilang ‘symbol of corruption’ ang face shield na patuloy na kumakalat ngayon sa social media dahil sa nabunyag na iregularidad sa pagbili nito.
Maging si Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ay kinatigan ang pag-alis na ng face shield dahil pinagkakakitaan lamang umano ang mamamayan sa bagay na hindi makatutulong para maiwasan ang COVID-19. (CHRISTIAN DALE/LILY REYES/BERNARD TAGUINOD)
285 