PINABULAANAN ng pamunuan ng Manila North Cemetery (MNC) ang akusasyon ng paniningil umano ng ₱7,000 hanggang ₱20,000 bilang “permit fee” sa mga vendor na magtitinda sa loob ng sementeryo ngayong Undas.
Lumutang ang isyu matapos umanong magreklamo ang pamunuan ng isang kilalang food outlet kay Manila Mayor Isko Moreno, hinggil sa sinasabing ₱20,000 kada araw na singil para sa tatlong araw ng pagtitinda sa loob ng sementeryo. Bukod pa rito, sinasabing ₱7,000 kada araw ang hinihingi sa mga tindero ng bulaklak ng opisina ni Tan, opisyal ng sementeryo.
Agad namang dumepensa si Tan, at iginiit na walang katotohanan ang mga paratang laban sa kanya. “Walang sinisingil at walang pinayagang magtinda sa loob ng sementeryo,” aniya.
Aniya, ilang perimeter area lamang ang pansamantalang pinayagan para sa mga tindero ng bulaklak, kandila, at pagkain, ngunit mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagtatayo ng puwesto sa loob ng mismong sementeryo.
Samantala, ipinaalala ng pamunuan ng MNC na hanggang kahapon, Oktubre 27, 2025, na lamang ang paglilinis at pagkukumpuni sa mga puntod, habang Oktubre 28 (Martes) ang huling araw ng paglilibing bago magsimula ang Undas.
Sa Nobyembre 1, ipinagbabawal ang pagdadala ng baril, matatalim na bagay, alak, alagang hayop, gitara, sound system, at mga madaling magliyab na bagay gaya ng alcohol at thinner.
Ayon sa anunsyo, bukas ang sementeryo mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2, mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng gabi, habang sarado ito sa mga sasakyan sa Nobyembre 1 at 2.
Magbabalik sa normal na operasyon ang Manila North at South Cemetery sa Nobyembre 3.
Hanggang kahapon, tinatayang umabot na sa 30,000 katao ang dumalaw sa dalawang sementeryo, at inaasahang aabot sa mahigit dalawang milyon ang magtutungo sa Manila North at South Cemetery hanggang Nobyembre 2.
(JULIET PACOT)
17
