‘FASHIONISTA’ OUT SA SONA

WALANG pabonggahan ng damit at accessories ang mapapanood sa State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw (Hulyo 26).

Sinabi ni House secretary Mark Llandro Mendoza, limitado ang mga bisita at congressmen na dadalo sa huling SONA ng pangulo.

“Wala, wala yan (fashion),” ani Mendoza nang tanungin ng mga mamamahayag kung makakakita ang publiko ng asawa ng mga mambabatas na nagpapabonggahan ng damit sa SONA tulad ng nakagawian.

Sa mga nakalipas, naging karaniwang tanawin na sa SONA ang pagrampa ng asawa ng mga mambabatas, hindi lamang sa Kamara kundi sa Senado ng kanilang mga pinasadyang gown sa mga kilalang fashion designer sa bansa.

Subalit ayon kay Mendoza, nilimitahan sa 400 ang bisita kasama na ang may 130 hanggang 150 na congressmen, mga miyembro ng gabinete at mga diplomat at iba pa.

Nilatagan ng red carpet ang Kamara na dadaanan ng mga bisita kung saan pinapayagan ang mga itong magsuot ng face mask na kanilang gusto subalit kapag pumasok na sa session hall ay papalitan na ito ng Presidential Security group ng ibang face mask na may kasamang face shield.

Roadmap sa COVID-19 vaccine ipinalalatag

Samantala, kung merong dapat ilatag si Pangulong Duterte sa SONA, ito ay ‘road map” sa pagbabakuna.

Sa isang radio interview, sinabi ni Deputy Speaker Loren Legarda na kailangang malinaw kung anong mga plano sa natitirang 11 buwan ni Duterte bilang pangulo para makamit ang herd immunity.

“Ang gusto nating marinig po ay ano ang mga plano, ng ating executive department, ng ating pamahalaan para tayo makaahon sa pandemya. Importante gusto nating makita yung road map sa susunod na 11 buwan kung papaano pa natin mapapaigting ang pagbabakuna,” ani Legarda.

Sa ngayon aniya ay 5.5 million Filipino pa lamang ang fully vaccinated na malayong-malayo pa sa 70 million target upang makamit ng bansa ang herd immunity.

Ayon naman kay dating Speaker Alan Peter Cayetano, umaasa ito na iiwasan ni Pangulong Duterte na pag-usapan ang pulitika sa kanyang huling SONA at itututok ang kanyang speech sa mga nagawa at puwede pang magawa ng kanyang administrasyon.

Online attendance

Kaugnay pa rin nito, kinumpirma ni Mendoza na hindi na makadadalo nang personal sa SONA ang mga dating pangulo tulad nina Gloria Macapagal Arroyo at Joseph Estrada subalit sasali umano ang mga ito via online.

Maging si Vice President Leni Robredo ay hindi umano dadalo nang personal kundi via online din tulad ng ibang mambabatas.

‘Duterte variant’

Kasabay ng huling SONA ni Pangulong Duterte, ikinakampanya rin ng militanteng grupo ang pagwawakas ng tinagurian nilang “Duterte variant”.

Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, itinuturing nilang “Duterte variant” ang plano ng pangulo na manatili sa puwesto pagkatapos ng kanyang termino sa Hunyo 30, 2022 sa pamamagitan ng pagtakbo bilang pangalawang pangulo.

Isa rin umanong virus ang pagbaon ni Pangulong Duterte sa Pilipinas sa utang dahil aabot aniya sa P13 Trillion ang iiwan nitong utang ng Pilipinas pagkatapos ng kanyang termino, bukod sa hindi maayos na pagtugon sa problema sa pandemya at pagpatay sa mga kritiko kasama na ang mga inosenteng mamamayan sa kanyang madugong giyera kontra sa ilegal na droga.

Hindi umano dapat magpatuloy si Duterte sa pamumuno sa bansa pagkatapos ng kanyang termino sa 2022 kaya dapat biguin ang anila’y “Duterte variant” sa darating na halalan. (BERNARD TAGUINOD)

560

Related posts

Leave a Comment