FEELING MAHIRAP?

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

AYON sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa noong Hunyo 25 hanggang 29, lumabas na 49% ng mga pamilyang Pilipino o tinatayang nasa 13.7 milyong households ang nagsabing sila ay mahirap. Bagama’t bahagyang bumaba ito mula sa 50% noong Abril, masyado itong maliit para masabing may pag-angat sa kabuuang estado ng kabuhayan ng mga Pilipino.

Sa regional breakdown ng survey, lumabas na sa Visayas, bumaba ang self-rated poverty mula 67% sa 60%, at sa ibang bahagi ng Luzon sa labas ng Metro Manila, mula 43% sa 38%. Sa Mindanao naman, tumaas ito mula 61% sa 69%, at sa Metro Manila, mula 33% sa 36%.

May mga nagsasabing hindi dapat gawing basehan ang survey na tumutukoy sa self-rates poverty. Pakiramdam lang ba ang pagiging mahirap?

Hindi lamang basta porsyento ang lamang ng survey, kundi ang katotohanan na marami ang ‘di nakararamdam ng pag-angat o pagbabago sa kanilang buhay. Hindi man natin napapansin, marami pa ring pamilyang walang sapat na kita para makakain ng tatlong beses sa isang araw, mga batang napipilitang huminto sa pag-aaral dahil walang pera para mag-aral o kaya naman kailangan nang kumayod para tumulong sa pamilya, at mga magulang na kailangang mangutang para lang makabili ng pagkain o gamot.

Lumabas rin sa naturang SWS survey na sa mga nagsabing sila ay mahirap nasa 34.8% ang laging mahirap o hindi pa naranasan kahit kailan ang hindi maging mahirap. Nasa 6.4% naman ang usually poor o ‘yung dati hindi mahirap, pero matagal nang bumalik sa kahirapan; at 7.8% ang newly poor o ang mga pamilyang naging mahirap lamang sa nakalipas na 1 hanggang 4 na taon.

Sa gitna ng ganitong mga datos, muling nauungkat naman ang kasabihan na “hindi mo kasalanan kung ipinanganak kang mahirap, pero kasalanan mo kung mamamatay kang mahirap.”

Maganda itong pakinggan at nagbibigay inspirasyon sa maraming tao na magsikap para bumuti ang kanilang buhay. Pero marami pa ring hindi nabibigyan ng pagkakataon o oportunidad, lalo na dahil ang karaniwang sistema, madalas pumapabor sa may pribilehiyo at hindi naman sa mga nasa laylayan.

Paano makaaahon sa hirap kung kulang sa edukasyon, walang access sa health services, at walang seguridad sa trabaho? Paano makapagsisimula ng negosyo kung wala kang kapital. Ang totoo, may mga taong ang pang araw-araw na pagkain lang ang kayang tustusan. Minsan, wala pa.

Hindi naman talaga pantay ang laban. Hindi lahat, may kakayahang makapasok sa disenteng trabaho. Kaya nga maraming kailangan pang makipagsapalaran sa ibang bansa upang mapakain lang ang pamilya.

Kapag sinabing kasalanan mo kung mamatay kang mahirap, hindi ito applicable sa lahat lalo na kung ang sistema mismo ang hindi maayos.

Ang mas matindi pa, ginagamit ng maraming politiko ang kahirapan ng marami para manatili sa kapangyarihan at ang iba, para mas yumaman pa.

Tuwing eleksyon, panay ang paglibot ng mga politikong may dalang ayuda at sobre. Sobrang tindi ng bigayan nitong nakaraang midterm elections na kakabahan ka talaga kung paano ‘yan babawiin, lalo na ng mga politikong kilala sa pagiging corrupt. Pagkatapos ng halalan, may mga politiko na halos hindi na nagpapakita. O kaya naman, nandiyan lang dahil may balak pa ulit tumakbo.

Matindi ang kultura ng poverty baiting na ginagawa ng mga taong may kaya, may koneksyon, at may kayamanan. Ang nakalulungkot, hindi sila interesado sa paglutas ng ugat ng kahirapan, dahil ang kahirapan mismo ang bumubuhay sa kanilang pulitikal na ambisyon.

Kung umaasa sa kanila ang mga tao para sa ayuda, suporta, at panggastos, madali nilang makukumbinsi ang masa sa susunod na eleksyon.

Pwede naman magbago pa, pero hindi nabibigyan, siguro darating ‘yan kung patuloy nating ipapasa ang solusyon sa mahihirap mismo, o kung magpapabiktima tayo sa mga bulok na sistema.

Kailangan nating ituwid ang baluktot na pananaw na kasalanan ng tao ang pagiging mahirap. Tama naman na may personal na pananagutan ang bawat isa, pero may responsibilidad din ang ibang sektor ng lipunan para tugunan ang problemang ito.

Reporma sa edukasyon, paglikha ng lokal na trabaho, pagpapalakas ng microfinance at cooperatives, pagkakaroon ng tunay na agrikultural at industriyal na polisiya, at pinakamahalaga — malinis at makataong pamahalaan. Malabo, mahirap, pero kailangan. Kung hindi, magpapaikot-ikot lang tayo at hindi natin makakamit ang pagbabago.

Hindi na natin maaaring tanggapin ang kahirapan bilang bahagi na ng buhay. Hindi ito dapat ginagawang puhunan ng mga taong dapat ay nagbibigay ng serbisyo sa publiko.

39

Related posts

Leave a Comment