ISINIGAW ng sabay-sabay ng mga presidente na kumakatawan sa mga empleyado ng iba’t ibang Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs) at Government Financial Institutions na ipatupad na muli ang nakapaloob sa Compensation and Position Classification System o CPCS-2.
Isinasaad ng nasabing sistema ang mga benepisyo na kung saan pangunahing makikinabang ang mga miyembro ng kanilang pamilya tulad din ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Ang National Union of Bank Employees Insurance and Finance Organizations (NUBE), Land Bank of the Philippines Employees Association (LBPEA), PhilHealth Independent Employees Association (PICEA), Philippine Deposit Insurance Corporation Employees Organization (PHILDICEO), Pag-IBIG Fund Employees Labor Association (PAFELA) at Association of Concerned SSS Employees (ACCESS-SSS) ay nakikiusap kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipatupad na ang CPCS-2.
Ayon kay Nanette Jariño Lati, pangulo ng LBPEA, marinig sana ni Pangulong Marcos ang kanilang panawagan na muling ibalik ang mga benepisyo na sandali lang nila tinamasa at ipinagtataka nila na inalis ito na wala man lang silang alam na dahilan kung bakit ito inalis.
“Simula pa noong pandemya, marami sa aming mga kasama ang pumanaw na habang patuloy na naglilingkod sa publiko. Ngunit hanggang ngayon, hindi pa rin ibinabalik ang CPCS-2,” ang pahayag ni Lati sa media sa The Agenda media forum na ginanap sa Club Filipino sa San Juan City nitong Biyernes, Agosto 1, 2025.
Sinabi pa ni Latin a wala rin aniyang magagawa ang mga Board of Directors ng pitong pangunahing GFIs na ipaglaban ang kapakanan ng mga manggagawa dahil may mga limitasyong ipinataw ang Corporate Governance Council (CGC) na siyang policy-making body.
Ilan sa mga benepisyong ito ay ang kanilang rice allowance, provident fund, HMO at iba pang mga benepisyo na inalis nang hindi man lang sila kinokunsulta sa kabila ng mga inputs mula pa CPCS-1 hanggang CPCS-2.
Sinabi naman ni Atty. Susan Iduyan, presidente ng PICEA, na obligado aniya ang pamahalaan na magsagawa ng review kada tatlong taon, ngunit mula apa noong Oktubre 2024 wala pa rin umanong inilalabas na resulta ang CGC.
“Kami ay handang magsampa ng petition for mandamus upang obligahin ang CGC na tuparin ang kanilang tungkulin batay sa isinasaad ng Executive Order No. 150,” ani Iduyan.
“Si Pangulong Marcos ay nakikinig naman. Umaasa kami na madinig niya rin ang aming panawagan para sa maayos na benepisyo ng mga GFI workers,” pagtatapos ni Lati.
(NEP CASTILLO)
