BINUKSAN kahapon ang kauna-unahang blood bank station ng Philippine National Red Cross sa Novaliches, Quezon City upang matugunan ang mga nangangailangan ng dugo sa panahon ng pandemya.
Pinangunahan ni Quezon City 5th district Councilor PM Vargas, head ng Red Cross Novaliches branch kasama si Congressman Alfred Vargas ang kauna-unahang Blood Bank ng District 5 QC na matatagpuan sa Pamayanang Malusog Building sa Barangay Hall Compound ng Greater Fairview, Quezon City.
Ayon kay Vargas, napapanahon ang pagbubukas ng blood bank dahil sa dami ng tao na nangangailangan ng suplay ng dugo at handa rin ang Red Cross na tumanggap ng blood donors para sa kabubukas na blood bank.
Nabatid na sa unang araw na pagbubukas ng blood bank, mahigit 10 katao rin ang nag-donate ng kanilang dugo para makatulong sa mga nangangailangan nito.
“Ang pagbubukas ng Blood bank ay malaking tulong sa mga taga-Quezon City lalo na ngayon nahaharap tayo sa problema ng pandemya,” ani Vargas.
Samantala, nakiisa rin sa okasyon ang mga opisyal ng Barangay Fairview sa pangunguna ni Chairman Joenel Quival at QC Red Cross OIC Janice Adolfo.
Kaugnay nito, nagpahayag ng kahandaan ang Red Cross na tumanggap ng blood donors para sa kabubukas na blood bank sa Fairview, Quezon City. (PAOLO SANTOS)
