ARESTADO sa mga tauhan ni PNP-Zambales Provincial Director, PCol. Romano V. Cardiño ang isang mangingisda na suspek sa panggagahasa sa Brgy. Bangan, Botolan, Zambales.
Kinilala ni P/Col. Cardiño ang arestadong suspek na si Emon Punzalan y Mirasol, residente ng Purok 4 sa nabanggit na barangay, sinampahan ng kasong statutory rape at acts of lasciviousness in relation to RA 7610 (child abuse).
Ayon sa ulat, noong Biyernes Hunyo 2, 2021, dakong alas-9:00 ng gabi, ang PNP-Zambales Team Botolan MPS bilang lead unit, kasama ang mga operatiba ng CIDG-Zambales CFU, 1st ZPMFC, 2nd Zambales PMFC, at 305th Maneuver Company RMFB3 ay nagsagawa ng masusing intelligence operation para madakip ang suspek sa bisa ng warrant of arrest sa kasong acts of lasciviousness in relation to RA 7610 na inisyu ni Hon. Maribel F. Mariano-Beltran, presiding judge ng RTC-FC, Branch 13, 3rd Judicial Region, Iba, Zambales, may rekomendasyong P180,000 pyansa para sa nasabing kaso, at kasong statutory rape, walang inirekomendang piyansa.
Napag-alaman, ginawa ng suspek ang krimen laban kay alyas Jing, 18-anyos, sa magkakaibang insidente noong hatinggabi ng Pebrero 18, 2020, noong Nobyembre 15, 2020 dakong alas-7:00 ng gabi at noong Setyembre 16, 2020, alas-11:15 ng gabi sa Brgy. Porac sa nabanggit na bayan.
Makaraan ang halos isang taong pagtatago, nadakip ng mga tauhan ni Cardiño ang nasabing suspek sa Purok, 4, Brgy. Bangan.
Dagdag ni Cardiño, “We remain watchful with our rape cases. Our successive liquidations should be the benchmark of those who are still on the loose.”
234
