Flying coffins at widowmakers – solon BUMAGSAK NA PAF AIR ASSETS, GALING SA US

APAT na sa military assets ng Philippine Air Force (PAF) na nagmula sa Estados Unidos ang bumagsak ngayong taon at ikinasawi ng mahigit 60 sundalo.

Dalawa sa mga sasakyang panghimpapawid ay halos kadedeliber pa lamang sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa tala ng PAF, kabilang sa mga sinawimpalad ang bagong biling S-70i Black Hawk Utility helicopter na bumagsak nito lang nakalipas na Hunyo 23 at ikinasawi ng anim na sundalo.

Umakyat na sa 53 ang mga nasawi sa bumagsak na 20 years old C-130 Hercules transport plane na binili sa pamamagitan foreign military sales kaugnay ng excess defense article ng US at dumating sa Pilipinas nito lamang Enero 29 ng kasalukuyang taon.

Bagong-bago naman ang US licensed S-70i Black Hawk Utility helicopter na gawang Poland nang bumagsak ito nito lamang June 23 malapit sa Colonel Ernesto Rabina Air Base sa Capas, Tarlac.

Bumagsak din ang isang MD 520MG helicopter na ikinasawi ng isang piloto ng PAF 15th strike wing sa Getafe, Bohol, nuong April 27, 2021 habang nagsasagawa ng engineering flight. Mechanical failure ang sinasabing nagdulot ng pagbagsak nito.

Enero 16 2021 naman, isang UH-1H Huey Helicopter ang bumagsak sa bayan ng Pasugong na ikinamatay ng pitong sakay nito habang nagsasagawa ng supply run.

Nabatid na umaabot na sa 15 military aircraft ang bumagsak sa loob lamang ng sampung taon o simula April, 2011.

Ayon sa AFP, mayroon silang apat na C-130 bukod sa bumagsak noong isang linggo, isa ang kasalukuyang grounded at dalawa ang nire-repair sa Portugal at isa pa ang nakatakdang i-deliver.

Samantala, nagpaabot din ng kanilang pakikiramay sa Pilipinas ang Estados Unidos sa pagbagsak ng C-130 cargo plane sa Sulu.

Sa isang statement, inihayag ni National Security Advisor Jake Sullivan ang kanilang pakikiramay sa mga naulilang pamilya at panalangin din para sa mga sugatan.

Tiniyak din niya na handa ang United States na magbigay ng tulong sa bansa sa oras na kailanganin ito para sa disaster response.

Dagdag pa ni Sullivan, kaisa ng Pilipinas ang Estados Unidos sa maikokonsiderang “difficult time” na ito.

Maging ang gobyerno ng France ay nagpahatid na rin ng pakikiramay sa Pilipinas kaugnay sa malagim na aksidente.

Proper training pinatitiyak

Samantala, nagpahayag ng kahandaan ang liderato ng mababang kapulungan ng Kongreso na buhusan ng pondo ang AFP para dagdagan ang kanilang assets partikular na ang mga sasakyang panghimpapawid.

Gayunman, sinabi ni House Speaker Lord Allan Velasco na kailangang magkaroon ng sapat na pagsasanay ang mga magpapalipad sa air assets ng Santadahang Lakas ng Pilipinas para masiguro ang kaligtasan ng mga ito at kanilang mga pasahero.

Sa isang radio interview kay Velasco, sinabi nito na makatitiyak ang AFP ng tulong mula sa Kongreso para paramihin pa ang kanilang kagamitan, hindi lamang ang air assets kundi mga barkong pandigma.

Basura ng Amerika

Ipinatitigil naman ng grupo ng isang dating mambabatas sa Kamara ang pagbili ng mga ‘basura” umano ng United States Armed Forces tulad ng mga pinaglumaang eroplano dahil ‘flying coffin’ at widow-maker ang mga ito.

Ginawa ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na pinamumunuan ni dating Anakpawis party-list Rep. Rafael Mariano ang panawagan matapos maaksidente ang C-130 na binili ng Pilipinas sa US noong Enero.

Base sa mga report, dalawang C-130 ang binili ng gobyerno sa Amerika sa halagang P2.5 billion at isa rito ang bumagsak sa Sulu noong Enero.

“Ang mga C-130 na ito ay basura na ng U.S. military pero binibili pa rin ng gobyerno ng Pilipinas at AFP, ” ayon sa KMP.

Unang ginamit ng US Forces ang nasabing eroplano noong 1998 subalit iginarahe ilang taon na ang nakararaan, inayos at ipinagbili sa Pilipinas sa pamamagitan ng Philippine-American agreement.

Kahit may natitirang 11,000 kilometrong biyahe pa umano ang nasabing eroplano ay luma pa rin ito, ayon sa dating mambabatas kaya dapat itigil na ang pagbili ng mga ganitong kagamitan na naglalagay sa panganib sa buhay ng mga sundalo.

Ang brand new na C-130 na tinawag na work horse ng AFP, hindi lamang sa Pilipinas kundi sa ibang bansa, ay nagkakahalaga umano ng P37 billion.

Samantala, nangangamba rin ang KMP sa iba pang military equipment na ibinigay ng Amerika sa Pilipinas dahil pawang mga pinaglumaan na nila ito.

Base umano sa record, mula 2015, umaabot sa P37 billion ang halaga ng eroplano, barko, armored vehicles, mga armas at iba pang military equipment ang naideliber ng Amerika sa Pilipinas kaya ang bansa ang may pinakamalaking US military assistance sa Southeast Asia region. (JESSE KABEL/BERNARD TAGUINOD)

197

Related posts

Leave a Comment