FOREIGN INMATES SA BI JAIL, KINOKOTONGAN?

BISTADOR ni RUDY SIM

MATAPOS natin ibisto ang kuwestyunableng pagtungo ng isa sa deputy commissioners ng Bureau of Immigration, na itatago muli natin sa pangalang Atty. Daniel Laogan, sa detention center ng BI sa Bicutan, upang kausapin ang ilang Chinese inmates dito na may kinakaharap na deportation cases kaugnay sa umano’y pamemeke ng kanilang Filipino citizenship, ay agad na umani tayo ng mga sumbong at pagbati sa ilang ordinaryong empleyado rito, na mali nga naman ang ginawa ng naturang opisyal.

Bagama’t nabanggit natin ang kulungan ng BI, ay atin munang punahin itong inilagay na bagong warden dito ni Commissioner Joel Viado na si Zottocles Bechayda na kapalit ng sinibak na tauhan ng nasibak na dating commissioner Norman Tansingco, na si Leander Catalo na naging untouchable naman sa panahon ng kanyang amo, kahit tatlong beses itong natakasan ng preso ay hindi nasibak at tumanggap pa ng award sa huling anniversary ng ahensya noong nakaraang taon bilang “pambihirang paglilingkod”, aba’y talagang pambihira nga.

Minana ni Warden Bechayda ang ilang ilegal na gawain sa naturang kulungan ng mga dayuhan na hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin umano kabilang ang “ice room” na tila nagsisilbing air conditioning para sa inmates na nais ng buhay hayahay sa loob kapalit ang lingguhan Tara kada ulo na kinokolekta umano ng iniwang “Samar Boys” ni Catalo?

Hindi ba ito nakita ni Laogan noong nagtungo siya rito at hindi nagtaka kung bakit ilang sako ng yelo ang idini-deliver sa kulungan kahit wala naman tindang halo-halo ang piitan? Oh, baka naman walang pakialam si Laogan sa akala nito’y barya-barya lamang na kinikita ng tiwaling opisyales ng detention center.

Sa ilang kuwarto na pinauupahan umano sa mga dayuhang nagbabayad para sa VIP treatment, ay nagbabayad dito ang mayayamang inmates, kabilang ang mga Japanese, Korean at Chinese POGO, ng P50K bawat ulo kada linggo mula sa mahigit 10 içe room na may tig-4 na inmates kada kuwarto, ngunit ang mga pobreng dayuhan na walang kakayanang magbayad ay nagtatiyaga sa electric fan at mabahong selda at kung mamalasin ay bartolina pa kagaya na lamang ng inilabas natin noong nakaraang taon na hubo’t hubad na nakahiga ang isang pobreng inmate sa maruming palikuran ng kulungan.

Mula 200 sako ng yelo na idini-deliver sa kulungan na negosyo umano ng isang dating commissioner ng BI, ay talaga nga namang kumikita rito ang mga kumag pero bakit hindi ito mapatigil ni Warden Bechayda, mayroon kaya itong timbre kay Kume Vayad-O? Sino pa kaya sa main office ang nakikinabang sa kinokolekta rito na pera mula sa inmates? Sabagay, kung aircon ang ilalagay nila ay ang Meralco lang ang kikita ‘di ba warden?

Bukod sa ice room ay ginagawa rin umanong negosyo rito ang pagbebenta nang halos triple ng halaga ng bisyo kagaya ng sigarilyo at alak. Aba’y mas malupit pa kayo sa sin tax ng BIR. Maging ang paggamit umano ng internet at mobile gadgets ay pinarerentahan din ng mga kumag.

Maging ang mga asawa ng inmates na dumadalaw dito ay nagparating sa atin kung gaano kaawa-awa kung ituring umano ang mga pobreng inmates dito, na maging sa pagkain ay naghahati ang dalawang preso para sa isang cup ng kanin at kapirasong ulam.

Hindi tayo nagtataka kung bakit ang mga dayuhan ay ganoon na lamang kababa ang tingin sa ating mga Pilipino dahil sa katiwalian ng iilang mapagsamantala sa kanilang kapangyarihan upang magpayaman sa sarili.

Para sa inyong sumbong at reaksiyon, maaaring i-text ako sa 09158888410.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

123

Related posts

Leave a Comment