TABLADO sa House committee on legislative franchise ang suhestiyon ng isang mambabatas na magsagawa ng pagdinig sa prangkisa ng ABS-CBN habang naka-break ang Kongreso.
Ayon kay Palawan Rep. Franz Alvarez, chairman ng nasabing komite, hindi pa tapos ang pagtanggap ng mga ito ng position papers sa prangkisa ng nasabing network kaya hindi muna magsasagawa ng pagdinig.
“Baka wala pa muna kasi ongoing pa naman yung pag-receive ng position papers tapos review pa yun lahat at summarize,” ani Alvarez.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag kasunod ng suhestiyon ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate na habang naka-break ang Kongreso ay simulan na ang pagdinig sa prangkisa ng ABS-CBN.
Ang Kongreso ay muling magbabakasyon mula Marso 12 hanggang Mayo 3, bilang pagbibigay daan sa Lenten Season subalit ayon kay Zarate, maaaring magpatawag ng pagdinig ang nasabing komite.
Ang prangkisa ng ABS-CBN ay nakatakdang mapaso sa Mayo 4, 2020 kaya hinahabol ngayon ang pagpapatibay ng joint resolution para payagan na mag-operate ang nasabing TV network kahit paso na ang lisensya ng mga ito.
Gayunpaman, sinabi ni Albay Rep. Edcel Lagman na hindi maaaring mag-operate ang ABS-CBN nang walang lisensya. BERNARD TAGUINOD
