FUEL SUBSIDY AT ANG DOE FUEL PRICING RULES

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

NAIS na ipagbawal ni Senator Erwin Tulfo ang mga politikong eepal sa pamamahagi ng ayuda ng fuel subsidy sa transport sector na apektado ngayon ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.

Binanggit ito ni Tulfo matapos niyang sabihin na ‘wag iwanan ang mga nakamotorsiklo sa fuel subsidy ng pamahalaan sa grupo ng transportasyon.

Ayon sa kanya, bilang “urgent” sa panukalang suspensyon ng excise tax sa petrolyo, nanawagan ang mambabatas na gawing inklusibo ang nasabing polisiya para hindi maiwan ang nasa 8.5 milyong Pinoy na gumagamit ng motorsiklo araw-araw.

Sa pagdinig ng Senate Ways and Means Committee noong Marso 11, nagbabala si Tulfo laban sa paglimita ng tax relief sa diesel lamang.

“Huwag nating iwanan ang mga nakamotorsiklo. Gasolina ang gamit nila, kaya hindi natin pwedeng limitahan lang sa diesel ang suspensyon ng excise tax,” banggit pa niya.

“May 8.5 milyong Pilipino ang gumagamit ng motorsiklo araw-araw para pumasok sa trabaho at ikabubuhay. Ano na lang ang mangyayari sa kanila kung hindi natin isasama ang gasolina?” pahayag pa ng mambabatas.

Tiniyak ni Department of Finance Undersecretary Karlo Adriano na isasama ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) at Department of Energy (DOE) ang panawagang ito sa kanilang rekomendasyon sa Pangulo para sa isang “holistic view” ng panukala.

Bukod sa tax relief, nagbitaw rin ng babala ang chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development laban sa pamumulitika sa distribusyon ng fuel subsidy.

“May mga polisiya na tayong nagbabawal sa pakikialam ng mga politiko. Ang sinomang mahuhuling gumagamit ng krisis na ito para sa sariling interes ay dapat parusahan,” babala ni Tulfo.

“Hindi galing sa bulsa ng mga politiko ang perang ipinamimigay. Galing ito sa buwis ng taumbayan, kaya dapat ay walang anomang interbensyon ng mga politiko sa pamamahagi nito,” dagdag pa ng senador.

Nauna nang isinulong ni Tulfo sa 2026 General Appropriations Act ang probisyon na nagbabawal sa mga politiko na makilahok sa distribusyon ng tulong ng gobyerno. Sinundan ito ng DILG Memorandum Circular No. 2026-006 na nagbabawal din sa paglalagay ng pangalan o mukha ng mga opisyal sa mga proyekto ng pamahalaan.

Upang gawin itong permanente, muling inihain ni Tulfo ang “Anti-Epal Act” o Senate Bill No. 1750 noong Pebrero, na nagbabawal sa mga incumbent official at kandidato na makibahagi sa mismong pamamahagi ng tulong pinansyal ng gobyerno.

oOo

Kinuwestiyon ng mga negosyante ng gasolinahan ang Media Release na may petsang Marso 7, 2026 hinggil sa “fuel pricing rules” ng Department of Energy (DOE) kung paano nila ito ipatutupad.

Batay sa inilabas na DOE fuel pricing rules, hindi dapat lalagpas ang presyuhan ng mga gasolinahan sa kanilang mga produktong petrolyo, sa itinakda ng gobyerno.

Narito ang itinakda ng DOE fuel pricing rules: Gasoline (RON 97/100) P53.70 hanggang P76.50 per liter; Gasoline (RON 95) P50.00 hanggang P71.04 per liter; Gasoline (RON 91) P49.00 hanggang P64.70; Diesel P49.00 hanggang P66.59 per liter; Diesel Plus P56.80 hanggang P74.81 per liter at Kerosene P78.90 hanggang P99.89 per liter.

Ayon sa ilang negosyante, paano nilang ibebenta ang kanilang mga produktong petrolyo kung mas mataas ang kuha nila nito sa kanilang supplier.

Halimbawa, ang itinakda ng DOE sa diesel regular ay nasa P49.00 hanggang P66.59 per liter at ang kuha ng gasolinahan sa kanilang supplier ay P89 per liter; DOE Gasoline (RON 97/100) ay P53.70, gasoline station supplier (Gasoline Octane 97/P75 per liter); DOE (Gasoline RON 95) P50.00 hanggang P71.04 per liter, gasoline station supplier P75.00 per liter, at DOE (Gasoline RON 91) P49.00 hanggang P64.70, gasoline station supplier (gasoline 91) P72 per liter.

Ano nga naman ang kanilang gagawin kung susundin nila ang itinakda ng DOE, kung malulugi naman sila?

Batay pa sa Media Release ng DOE, ang sinomang lalabag sa regulasyon ay ipawawalang-bisa ang Certificate of Compliance or License to Operate, suspension or cancellation of business permits at ang pagpataw ng nararapat na kasong administratibo o iba pang kaparusahan sa mga may-ari ng gasolinahan.

Sana ikinukonsidera rin daw ng gobyerno ang kapakanan ng mga negosyante at tingnan ang kanilang kalagayan upang hindi sila malugi.

Kaya hindi nakapagtataka na may mga gasolinahan na nagsasara dahil nalulugi sila sa bentahan ng kanilang mga produktong petrolyo.

oOo

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.

87

Related posts

Leave a Comment