SUNDALO HINOLDAP NG RIDING-IN TANDEM

NABULAGA ang isang sundalo na mga holdaper pala ang dalawang motorcycle riders na sana ay kanyang tutulungan ngunit tinangay ang kanyang bag na naglalaman ng cash, cellphone at service firearm sa Kawit, Cavite noong Lunes ng madaling araw.

Inilarawan ang mga suspek na parehong nakasuot ng itim na jacket, half face helmet, naka-balaclava at sakay ng motorsiklo.

Ayon sa salaysay ng biktimang si alyas “Muhamedan”, isang sundalo na nakatalaga sa Villamor Air Base, sakay siya ng kanyang motorsiklong Suzuki Raider 150, patungo sa kanyang trabaho sa Villamor Airbase sa Pasay City bandang alas-3:00 ng madaling araw.

Ngunit pagsapit sa kahabaan ng Toclong-San Sebastian Road patungo sa Advincula Road nang mapansin niya ang dalawang kalalakihan na itinutulak ang kanilang motorsiklong Yamaha NMAX.

Tumigil ang biktima at tinanong ang problema at sinabi naman ng mga suspek na nawalan ng gasolina ang kanilang motorsiklo.

Sa puntong tutulungan niya ang mga ito, biglang nagdeklara ng holdap ang isa sa mga suspek, tinutukan siya ng baril at sinabing “Ibigay mo ‘yang bag mo, wallet at cellphone. ‘Yan lang ang kailangan namin.”

Ang isang suspek naman ay kinuha ang susi ng kanyang motorsiklo at sumibat ang mga ito patungo sa direksiyon ng Evo City.

Laman ng itim na sling bag ang issued firearm ng biktima na isang Armscor Rock Island caliber .45 na may bala at extra magazines, wallet na naglalaman ng P700.00 at Infinix GT20 cellphone, military ID, driver’s license, Landbank ATM card, PAR at M.O.

Humingi naman ng tulong ang biktima sa isang nakamotorsiklong Grab driver at nagtungo sa himpilan ng pulisya at ini-report ang insidente.

(SIGFRED ADSUARA)

98

Related posts

Leave a Comment