FUEL SUBSIDY SA PUVs DODOBLEHIN

TARGET ng Pilipinas na taasan ang fuel subsidy para sa public utility vehicles mula P2.5 billion at gawing P5 billion para mapagaan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis na pinalala ng labanan sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Sa ulat ni National Economic Development Authority (NEDA) Secretary Karl Chua kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Talk to the People, Lunes ng gabi, sinabi ng Kalihim na ang first tranche ng subsidiya ay target ipamahagi ngayong Marso habang ang second tranche ay sa Abril ngayong taon.

Ipinanukala ng economic managers na ilagay na sa ilalim ng Alert Level 1 ang buong bansa at buksan na ang mga eskwelahan para sa face-to-face classes “to increase domestic economy and offset global risk.”

Itinutulak din nito ang karagdagang fuel vouchers para sa agricultural producers sa pamamagitan ng pagtataas sa budget mula P500 million hanggang P1.1 billion, na ipamamahagi ngayong buwan ng Marso at Abril 2022.

Sinabi ni Chua na may pangangailangan na itaas ang oil buffer stock ng bansa mula sa kasalukuyang 30 hanggang 45 araw. Kailangan aniya ng batas para rito.

Sa panawagan naman ng ilang mambabatas na suspendihin ang excise tax sa langis, sinabi ni Chua na kailangan itong aksyunan ng mismong Kongreso.

Full capacity
sa mga bus

Kaugnay nito, dapat ibalik na sa full capacity ang mga public utility bus (PUB) sa lahat ng ruta, hindi lamang sa Metro Manila kundi sa buong bansa.

“The LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board) made the announcement during the hearing that buses should be able to ply the routes they ply, without the COVID restrictions. We are thankful for that, as we requested it of the government last week,” ayon kay House ways and means committee chairman Joey Salceda sa pagdinig ng Fuel Crisis Ad Hoc Committee sa problema sa presyo ng langis na epekto ng giyera sa Ukraine.

Sa ngayon ay hindi pa full capacity ang mga bus at iba pang transportasyon bilang pag-iingat sa COVID-19 na nananatiling banta kahit inilagay na sa Alert Level 1 ang maraming lugar sa Pilipinas.

Subalit ayon kay Salceda, kailangang payagan na ang full capacity lalo na’t pataas nang pataas ang presyo ng langis sa lokal na merkado.

Samantala, ipinanukala ni Salceda na maglaan ng P68.8 Billion para sa subsidy program na popondohan mula sa tinatawag nitong “Katas ng TRAIN (Tax Reform Acceleration and Inclusion).

Binigyang diin naman ni House committee on economic affairs chairperson Sharon Garin na sapul ang lahat sa pagtaas ng presyo ng krudo sa world market.

Ito aniya ang dahilan kaya binuo ang Fuel Crisis Ad Hoc committee para maghanap ng solusyon para maibsan o mabawasan ang epekto ng oil price increase sa lahat ng mamamayan.

“The rising prices of domestic petroleum will have a direct effect on our economic stability, just when we are starting to relax our restrictions due to Alert level 1,” ayon pa sa kongresista.

Sa pagdinig ng nasabing komite noong Lunes, tiniyak ng Department of Energy (DOE) na hindi direktang maaapektuhan ang supply sa bansa subalit kailangang maghanap umano ng paraan para maibsan ang epekto ng mataas na presyo nito sa lahat ng mamamayan. (CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)

125

Related posts

Leave a Comment