GAME NA!

SINIMULAN na ng Commission on Elections (Comelec) ang proseso ng pagtanggap ng mga kandidatura para sa iba’t ibang ­posisyon sa gobyerno – mula sa pangulo, hanggang sa mga konsehal.

Ito na rin ang hudyat para sa 63 milyong botante para suriing mabuti kung sino sa kanila ang dapat pagkatiwalaan sa pamumuno sa gobyernong iiwang lugmok ng administrasyong mistulang bigo sa pangakong pagbabago nang sila’y nakiusap at umarbor ng ating boto.

Mayroon pa tayong sapat na panahong makinig sa kanilang platapormang idadaan sa talumpati, anunsyo, mga paandar sa social media, patalastas at panayam sa telebisyon, radyo at dyaryo.

Marami diyan, tulad ng mga ibinoto sa mga nakaraang halalan – puro pangako at dada pero pag-upo wala rin namang ginagawa.

Hindi magpapahuli ang mga politikong ang tingin sa gobyerno’y isang bangkong pwedeng paghugutan ng salaping sa kanila’y magpapayaman.

May artistahing idinadaan sa hitsura, mayroon ding nakasandal sa apelyidong dinadala o ‘di naman kaya’y inendorso ng partidong sukdulang yaman ang makinarya. Siyempre pa, nariyan ang paramihan ng perang mistulang pambili ng boto ng kawawang masa.

Hindi mahirap tukuyin yaong mga basahang politiko. Ilang ulit na ba tayo naloko? ­Ilang pangulo na ba ang pinagsisihan natin dahil sa iginawad na boto? Ilang politiko na ba ang mistulang komedyante o patabaing baka sa ­gobyerno?

Marami riyan, walang alam sa pagpapatakbo ng gobyerno pero sa ‘di inaasahang pagkakataon ay nananalo. Bakit nga ba?

Kasi naman madali tayong maniwala sa matatamis nilang dila, bukod pa sa angking ­talento ng mga bayarang mandaraya.

Mayroon naman diyan, pera ang pinapagana. Sila yaong maagang nagparamdam – nagkalat na dambuhalang tarpaulin, mga patalastas sa telebisyon, mga pamigay na kalakip ang mukha at pangalan nila. Epal ang tawag sa kanila.

Sa totoo lang, mabigat ang hamon para sa susunod na pangulo. Gayundin ang mga iha­halal natin sa iba’t ibang pwesto. Mangyari kasi, wala na ngang pera ang gobyerno, kabi-kabila pa ang utang na kailangang tugunan sa kanilang pag-upo.

Pero ‘di hamak na mas mabigat ang kinasadlakan ng mga botanteng Pilipino. Ang pagpili ng tamang tao. Ang kailangan natin ngayon – isang pinuno, hindi politiko. Gawa hindi dada!

153

Related posts

Leave a Comment