PINUNA ni Senate Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian ang ilang inconsistencies o butas sa mga naging pahayag ni dating Cong. Zaldy Co.
Partikular na pinuna ni Gatchalian ang sinabi ni Co na nagpasingit si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng P100 bilyon sa bicam committee level ng budget process para sa 2025.
Sinabi ni Gatchalian na nakapagtatakang nagsingit ang Pangulo ng pondo sa bicam level gayung maaari niya itong gawin sa pagbalangkas ng National Expenditure Program.
“Pero nung ina-analyze ko yung mga comment ni Zaldy Co, may mga inconsistency o hindi tumutugma sa aking pagtingin or sa aking pag-aanalisa. Unang-una doon yung mga projects.
Dahil itong mga projects na ito ay pwede namang isama na sa NEP. So kung sinasabi niya na si Presidente ang nagpasok nito sa bicam, hindi nagtutugma dahil pwede naman ito ipasok sa NEP.
Pwede naman na ito isama nung una pa. Kasi ang bicam, dulo na eh,” pahayag ni Gatchalian.
Pangalawa sa pinuna ng senador ang pagtukoy sa mga proyekto sa Valenzuela City kung saan nang suriin anya niya ay pawang secondary roads.
Binigyang-diin ni Gatchalian na kung magpapasok man sana ang Pangulo ng proyekto ay dapat na malalaking proyekto at hindi secondary road.
At pangatlo, sa kanyang tinitignan aniya ay ang pag-veto ni Pangulo sa mga proyekto.
Muling hinamon ni Gatchalian si Co na kung totoo ang mga sinasabi nito ay umuwi na lamang siya sa Pilipinas at harapin ang lahat ng imbestigasyon sa kanya. Madali anyang magsalita pero sa isang iglap ay mawawala ka na lamang na parang bula.
(DANG SAMSON-GARCIA)
59
