DPA ni BERNARD TAGUINOD
BALIK-ESKWELA na ang halos 28 milyong kabataang Pilipino nitong Lunes sa public schools at sa susunod na buwan pa magsisimula ang private schools na pinapasukan ng mga bagets na naka-aangat sa buhay.
Produkto ako ng public school sa probinsya at noong panahon namin, tatlong section lang kami at sa bawat section ay malaki na ang 30 na estudyante pero dahil hindi pinaghandaan ng mga nagdaang gobyerno ang paglobo ng populasyon, umaabot na sa 50 hanggang 60 ang pupils sa isang class room at sangkaterba na ang section.
Lalo pang lumala ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas nang ipilit noon ang K-12 basic education program kaya nadagdagan ng Grade 11 at Grade 12 dahil ito raw ang requirements ng western countries at kailangan nating sumabay.
Lalong lumala ang kakulangan sa silid-aralan, libro, silya at mga guro dahil sa idinagdag na senior high school at pinalala pa ang problema ng korupsyon ng nagdaang appointees sa Department of Education (DepEd).
‘Yan din ang dahilan kung bakit malaking bilang ng mga nagtapos sa basic education mula noong 2019, ay hindi naiintindihan ang kanilang binabasa kahit alam nilang magbasa at sumulat, at bagsak din tayo sa larangan ng mathematics at siyensya.
Hindi ‘yan nakapagtataka dahil English ang medium of instruction sa Pilipinas kaya luging-lugi ang mga nasa public school sa mga estudyante sa private schools na inglesero at inglesera na kahit bata pa.
Bakit hindi baguhin ang sistema ng edukasyon sa ating bansa? Bakit hindi ituro ang siyensya at matematika sa tagalog para madaling maintindihan ng mga estudyante tulad ng ginagawa sa Japan at iba pang bansa?
Kailangan na rin sigurong umalis ang Pilipinas sa nakagawian na obligadong mag-exam ang mga Grade 1 hanggang Grade 3 at ibinabase ng mga guro ang kakayahan ng isang estudyante sa grade na makukuha niya.
Sa Japan, hindi pinakukuha ng formal exam ang elementary pupils mula Grade 1 hanggang Grade 3 dahil ang unang tatlong taon ay nakapokus sa paghubog sa kanila sa good manners, character development at skills foundation.
Tinuturuan ang mga batang Hapon kung papaano tumawid sa kalsada, magbigay galang sa lahat ng mga tao, maglinis ng kapaligiran, maging responsableng mamamayan, maging disiplinado, mahalin ang kanilang bansa, magdamayan at iba pa.
‘Yan din ang mga dahilan kaya disiplinado ang mga Hapon dahil bata pa lamang sila ay hinubog na ang kanilang karakter pero rito sa ating bansa, hindi natin ginagawa ‘yan kaya aminin man natin o hindi, maraming Pinoy ang walang modo at mali ang desisyon.
Kaya kung gusto natin mabago ang karakter ng mga Pilipino, gayahin ang sistema ng edukasyon sa Japan, malay natin darating ang araw na pipili ang mga Pilipino ng matinong lider ng bansa at hindi ibinabase ang kanilang boto sa kasikatan at ‘yaman ng isang kandidato dahil sila ay responsableng mamamayan.
