GINAGAGO TAYO

‘YAN ang namumutawi sa bibig ng mga senador sa mga sagot ni dating Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) Undersecretary Lloyd Christopher Lao sa ­kanilang mga katanungan sa imbestigasyon hinggil sa overpriced na PPE o personal protective equipment.

Walang naniniwala sa sinasabi ni Lao na wala siyang MBA as in May Backer Ako kaya na-appoint siya sa ­PS-DBM at nangasiwa sa pagbili ng mga PPE na bilyon-bilyon ang halaga at overprice pa.

Kahit siguro pamilya ni Lao ay hindi siya paniniwalaan sa kanyang depensa na walang MBA dahil hindi ipagkakatiwala sa kanya ang bilyon-bilyong pondo ng iba’t ibang ahensya tulad ng Department of Health (DOH).

Sino ang maniniwala na nag-apply lang siya sa nasabing posisyon? Hindi sinasabi kung ilan ang nag-apply pero siya ang pinakamasuwerte sa lahat ng applicant (kung meron man) dahil siya ang napiling mangasiwa sa P62 billion pondo ng sambayanang Filipino. Hindi ipagkakatiwala sa ‘yo ang ganyang kalaking halaga kung outsider ka.

Alam natin lahat na kapag na-appoint sa Gabinete, hindi kukunin ‘yung mga taong walang naitulong sa nanalong presidente noong panahon ng kampanya pero gusto ni Lao na maniwala tayo sa kanya na ‘walk in ­applicant’ lang siya”.

Isa si Lao sa election lawyers ni Duterte noong 2016 at tubong Davao City kaya tiyak na malaki ang tiwala sa kanya ni Duterte at mga matataas na taong nakapaligid sa Pangulo.

Tapos gusto niya tayong maniwala sa kanya na solong lakad niya kaya nabigyan siya siya ng juicy position sa gobyerno. Tell that to the marines!

Wala ring naniniwala sa kanya na nagkaubusan ng PPE sa mundo dahil sa pandemya kaya napilitan silang bumili ng mas mahal na face mask. Sa face mask, puwedeng nagkaubusan pero sa face shield imposible dahil tayo lang sa buong mundo ang pinapasuot ng face shield.

Kaya pala ipinipilit n’yo sa amin ang pagsusuot ng face shield at binabantaan n’yo pa ang mga tao na paparusahan kapag walang face shield dahil may nagnenegosyo nito sa ating bansa ha…na kakampi ng gobyerno?

Siguradong naubos na ang biniling face mask at face shield ni Lao pero tuloy-tuloy ang pagdating ng mga face shield na gawang China at obligado ang mga tao na bumili dahil isinama ito sa dapat isuot ng mga tao kontra daw sa COVID-19 kahit walang medical studies na nakakatulong ito para hindi mahawa ng COVID-19.
Sigurado ring may MBA ang Pharmally na pinaboran ni Lao at nabigyan ng mahigit P8 bilyong halaga ng kontrata dahil kung ordinaryong kumpanya lang ito na may P620,000 lang ang paid up capital, hindi iyan mananalo sa bidding kung meron man.
Sino ba ang isa sa may-ari ng Pharmally? Lumutang ang pangalan ni Michael Yang na isa sa mga dating economic adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya “alam na this”.
Ngayon sino ang MBA ng Pharmally? Baka sabihin nila na lehitimong negosyante at wala silang kilala sa Malacañang para iligtas ang sino mang matataas na tao na nagbigay ng pabor sa kanila.
Ang masakit lang, pinagkakakitaan ang pandemya. Ang daming nagkakasakit at namamatay pero ang iniisip ng ilang government officials ay kung papaano samantalahin ang pagkakataon para sila ay kumita.
Isang uri ng kademonyohan na pagkakakitaan ang kalusugan ng mga tao. Ang daming matutulungan sana kung hindi kinukupit ang pondo ng gobyerno pero nalilimitahan dahil ang
daming gahaman sa kalansing ng pera.
Marami sa mga politiko ang nagsasabi na gusto
niyang maglingkod sa bayan pero dahil sa nangyayari, hindi paglilingkod ang kanilang misyon kundi para magsamantala sa kaban ng bayan at kapag nabubuko na nagagalit pa sila! ­Demonyo ‘di ba?

497

Related posts

Leave a Comment