MALUHA-LUHA ang isang babaeng nagdadalantao matapos na ang perang pinag-ipunan nilang mag-asawa para pambili ng rechargeable electric fan ay nauwi lamang sa panloloko ng isang online store.
Kuwento ng pinsan ng biktima na si John Jaymhil Mataya, taga Mogpog, Marinduque, noong Hulyo 23, nag-order ang kanyang pinsang si Lyn ng solar rechargeable electric fan sa isang online store na nakita nito ang ads sa Facebook, sa halagang P1,500.
Subalit laking pagkadismaya ni Lyn nang ang dumating sa kanya ay apat na pares ng mga luma at sirang sapatos.
Pinag-ipunan pa naman aniya nila ito ng kanyang asawang construction worker sa para pagdadalantao nito dahil malimit na brown-out sa kanilang lugar.
Kinontak nila ang courier services na nasa bayan ng Sta. Cruz subalit sinabi ng tanggapan na wala silang kinalaman sa insidente maging ang kanilang mga rider dahil delivery service lamang sila.
Hindi na rin nila makontak at binlock na sila ng online store na may pangalang Happy House na may kategoryang shopping mall.
Samantala, sa Facebook post naman ng isang netizen na trabahador ng DPWH sa Quezon Province, ipinakita nito kung ano ang kanyang natanggap matapos mag-order din ng kaparehong item sa nasabi ring online store.
Sa kanyang video, ipinakita nito ang lumang sapatos, isang bote na may lamang buhangin at iba pang items na laman ng kanyang natanggap na parcel.
Habang isa namang misis na taga Albay ang umorder din ng nasabing electric fan sa parehong online store subalit ang dumating sa kanya ay isa ring lumang sapatos, isang maliit na microphone stand at isang set ng alley ring tools na hindi naman niya inorder.
Panawagan ng tatlong biktima na imbestigahan ng mga awtoridad ang naturang online store. (NILOU DEL CARMEN)
241 