QUEZON – Patay ang isang ginang makaraang barilin ng riding in tandem habang namamalengke sa Lucena City noong Biyernes ng umaga.
Dalawang tama ng bala ng kalibre .45 baril sa ulo ang agarang ikinamatay ng biktimang si Susan Constantino, 53, residente ng Barangay Gulang-Gulang.
Batay sa report ng pulisya, dakong alas-5:30 ng umaga, naglalakad ang biktima sa loob ng Gulang-Gulang Satellite Market nang sundan ito ng isa sa mga suspek at malapitang binaril sa ulo.
Nang bumulagta ang ginang ay mabilis na tumakas ang suspek at sumakay sa naghihintay na motorsiklong may nakakabit lamang na plakang ‘for registration’ na minamaneho ng kasapakat nito.
Wala namang nakakilala sa suspek na tinatayang 50-anyos at nakasuot ng mask at sumbrero.
Ayon sa mga awtoridad, posibleng hired killer ang mga suspek.
Tinitingnang anggulo ng mga imbestigador kung may kaugnayan sa insidente ang paghahain ng biktima ng kasong libel sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012 sa isa niyang kapitbahay sa kanilang purok sa nasabing barangay. (NILOU DEL CARMEN)
