GLOBAL CITY MANDAUE CORP. NANALO SA SC

MANILA, Philippines — Pinagtibay na ng Korte Suprema ang bisa ng joint venture agreement (JVA) sa pagitan ng GlobalCity Mandaue Corporation (GMC) at ng Pamahalaang Lungsod ng Mandaue na isa sa pinakamalaking reclamation project sa Cebu.

Nilagdaan noong 2014 ng Pamahalaang Lungsod ng Mandaue at Sultan 900 Inc. ang isang contractual joint venture agreement (CJVA) kasama ang GlobalCity Mandaue Corporation para sa GlobalCity Mandaue Project, na isang malakihang reclamation at urban development initiative.

Saklaw ng proyekto ang reclamation ng higit 131 ektarya ng lupa sa paligid ng Mactan Channel at kalapit ng Marcelo Fernan Bridge sa Consolacion, na siyang magpapalawak sa lupain ng Barangay Paknaan at Umapad sa Mandaue City.

Itinalaga ang reclaimed area bilang mixed-use development zone na para sa komersyal, residensyal, industriyal, at pang-turismong mga proyekto.

Sinimulan na noong 2016 ang paghahanda para sa implementasyon ng proyekto, kasama ang pagkuha ng mga trabahador at maging mga generator sets. Sa kabila nito, naudlot pa rin ang reklamasyon dahil sa pagkabigo ng lokal na pamahalaan ng Mandaue City na makumpleto ang kinauukulang permit.

Naging sanhi ito ng isang mahaba at masalimuot na legal na proseso upang matukoy kung sino ang dapat managot sa pagkaantala ng proyekto, na umabot pa sa Korte Suprema.

Kinilala ng Korte Suprema ang naunang hatol ng Pasig Regional Trial Court at ng Court of Appeals na nag-uutos sa parehong panig na tuparin nang buong katapatan ang kanilang mga obligasyon sa ilalim ng CJVA.

Binigyang-diin din ng Korte Suprema na kailangang isakatuparan ng GMC at ng Pamahalaang Lungsod ng Mandaue ang mga tungkuling nakasaad sa kanilang kasunduan.

Handa naman ang GMC na tumupad sa obligasyon nito, ayon kay Legal Counsel Atty. Hans Santos. Ang kompanya ay susunod sa “hatol ng Korte Suprema at makikipag-tulungan sa lokal na Pamahalaan at iba pang ahensya, upang maisulong ang GlobalCity Mandaue Project,” wika niya sa Ingles.

“Ang desisyong ito ay magbibigay daan sa mas pinalawak na oportunidad sa ekonomiya, mas maraming trabaho, at pagpapanatiling pag-unlad ng lungsod,” dagdag ni Atty. Santos. “Nananabik kaming maghatid ng isang world-class na proyekto na kapaki-pakinabang para sa lokal na komunidad at sa buong bansa.”

(RUDY SIM)

75

Related posts

Leave a Comment