(NI BERNARD TAGUINOD)
MISTULANG nagpipista ang mga drug traffickers habang nasa gitna ng giyera si Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng mga floating cocaine sa ilang bahagi ng Mindanao kasama na ang Davao province.
Ito ang opinyon ni Akbayan party-list Rep. Tom Villarin matapos ang sunud-sunod na pagkakatagpo sa mga cocaine sa karagatan ng Surigao, Dinagat Island, Quezon, Camarines Sur at maging sa Davao Oriental.
Hinamon din ni Villarin ang gobyerno na magpasikat sa pag-aresto ng mga bigtime narco traffickers at hindi ang mga pipitsuging pusher o user lamg ang inaaresto.
“The recent seizures of cocaine bricks along the vast expanse of our country’s coastlines may just be the tip of the iceberg of a booming international drug trade in the Philippines, contrary to the Duterte administration’s pronouncements of a successful drug war,” ani Villarin.
Nakaaalarma aniya ito dahil habang libu-libo ang napapatay sa giyera kontra ilegal na droga na karamihan ay mga mahihirap at pinagsususpetsahan lamang na gumagamit at tulak ay wala naman umano itong magawa sa mga big-time narco traffickers dahil hanggang ngayon ay wala pa ito nahuhuli o kaya nabuwag na sindikato.
Noong 2017 at 2018 ay dalawang malalaking shabu shipments ang dumating sa bansa na nagkakahalaga ng P17 bilyon habang nasa madugong giyera si Duterte laban sa ilegal na droga.
“The hundreds of kilos of cocaine plus the tons of shabu in magnetic lifters going through Customs are proof that drug trafficking is having a heyday under Duterte,” ayon pa kay Villarin.
BAKIT TAHIMIK SI DU30 SA FLOATING COCAINE?
Kinuwestiyon naman ni ACT party-list Rep. France Castro ang pananahimik ni Duterte sa floating cocaine gayung kapag mayroong isang adik na nahulihan ng isang gramo ng shabu ay nagngingitngit ito sa galit.
“Habang inaaliw pa rin ni Duterte ang ating bayan sa mga isyu nya laban simbahan at NPA. Bakit wala man lang syang comment sa cocaine isyu o droga na pangunahin nyang pangako na tatapusin in 3-6 mos,” ani Castro.
Naniniwala ang mambabatas na bagong modus ng sindikato ng droga na ibagsak sa karagatan ang kanilag epektos upang iligaw ang ang mga otoridad sa mas malaking shipment ng droga.
