MAY mapagkukunan ng pondo ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte para makapagbigay ng panibagong bugso ng ayuda partikular ang tig-sampung libong piso para sa hanggang 20 milyong pamilyang Pilipino.
Binigyang-diin ito ni Camarines Sur 2nd Dist. Rep. Luis Raymund Villafuerte.
Ayon sa Bicolano congressman, base sa website ng Department of Budget and Management (DBM), ang national government ay mayroon pang P204 bilyon unobligated, ibig sabihin ay walang malinaw kung saan ilalagay o gagamitin na pondo na “as of December 31, 2020”.
Sinabi ng kongresista na bukod dito, mayroon pa aniyang P452 bilyon na unutilized fund o hindi pa nagamit na pondo ang pamahalaan sa nasabi ring petsa.
Kaya naman nanindigan si Villafuerte na may kapasidad ang Duterte government na matustusan ang panukala nila na House Bill (HB) No. 8597 o ang Bangon Pamilyang Pilipino (BPP) Bill, na naglalayong bigyan ng pamahalaan ng tig-P10,00 ang hanggang 20 milyon pamilyang Pilipino.
Sa panig ni former Speaker at Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano, binigyan-diin niya na ang BPP ay very reasonable, feasible and simple, at magagawa agad.
“Ang kailangan ng tao ngayon cash talaga, kailangan talaga nila ng tulong. Let us all try to find the solution. Itong inihahatag namin, isang possible solution,” pahayag pa ni Cayetano na siyang principal author ng HB 8597 kasama ang misis na si Taguig City 2nd Dist. Rep. Lani Cayetano.
Nilinaw ng dating lider ng Kamara na hindi siya kontra sa House Bill (HB) No. 8628, ang Bayanihan to Arise As One Act o Bayaniyan 3 na pangunahing inakda nina Speaker Lord Allan Velasco at House Deputy Minority Leader Stella Quimbo (Marikina City 2nd Dist.) na nagpapanukala naman ng paglalaan ng P420 bilyon kung saan kasama rito ang pagbibigay ng tig-P1,000 sa lahat ng pamilyang Pilipino bukod sa P1,000 sa bawat estudyante at mga guro.
“Bayanihan 3 is more than P400-B and marami dito administrative cost, samantalang itong Bangon Pamilyang Pilipino (BPP) na tig-P10,000 bawat pamilya may sistema na ang LGUs at DSWD, ipa-fine tune na lang ito madi-deliver diretso sa kanila. But we are open to all kinds of proposal, but let’s all agree that people need money in their pockets,” dagdag ng kongresista. (CESAR BARQUILLA)
