MANILA, Philippines — Upang matiyak na hindi masasayang ang pera ng taumbayan, kailangang random na suriin sa mismong lugar ang mga proyekto ng gobyerno.
Itinulak ni Senador Erwin T. Tulfo ang inisyatibong ito habang sinusuportahan ang pagbuo ng Joint Congressional Oversight Committee upang subaybayan ang pagpapatupad ng mga programa at proyekto na pinondohan sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA).
“Kung ako ang tatanungin, hindi lang ako magre-rely dun sa report ng secretary, ng mga director. Kailangan siguro talagang may tao tayo on the ground na na magsagawa ng random checks,” saad ni Tulfo, vice-chairperson ng Committee on Finance.
“Halimbawa, talagang isinasagawa ba ang isang proyekto?” aniya.
“Nakita natin kung paano tinatakpan ng mga regional director ang mga district engineer at kung paano kahit ang mga kalihim ay maaaring sangkot,” dagdag pa ng senador.
Kamakailan ay nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang batas sa pambansang badyet para sa taong 2026, kung saan vineto niya ang mga proyektong nagkakahalaga ng P92.5 bilyon sa ilalim ng unprogrammed appropriations.
“Sang-ayon po ako na magkaroon po ng oversight functions, committee, ang both Houses of Congress para mabantayan po itong paggasta sa 2026 budget,” sabi ni Tulfo.
“Kagagaling lang po natin ng 2025 na talagang winaldas naman po talaga ‘yung budget, syempre, we have to make sure na hindi na mauulit at talagang mapupunta sa tama itong pera ng taong bayan this year,” aniya.
Nang tanungin tungkol sa kredibilidad ng komite sa pagbabantay, isinasaalang-alang na may mga miyembro ng Kongreso na diumano’y nagpasok o nag-endorso ng ilang paboritong proyekto sa badyet ng 2026, binigyang-diin ni Tulfo na ang layunin ng joint oversight committee ay upang matiyak ang kredibilidad ng ulat.
Ipinagpasalamat din ni Tulfo ang mungkahi ni Sen. Win Gatchalian, tagapangulo ng Finance Committee, na ang lahat ng vice-chairpersons ay magiging bahagi ng oversight committee. “Talagang isusulong ko na masaksihan natin ang pagpapatupad ng mga proyekto. Ang daming proyekto. Malalaking proyekto, maliliit na proyekto, farm-to-market roads, mga proyekto sa irigasyon. Maaari natin silang suriin nang random,” aniya.
24
