MARAMI ang kinakabahan dito sa granular lockdown na ipinatutupad ng Local Government Units (LGUs) para makontrol ang galaw ng mga tao sa isang lugar kung saan may positibo sa COVID-19.
Pabor na pabor ito sa incumbent officials sa LGUs na tatakbo muli sa 2022 local election para sa kanilang re-election dahil maaaring i-lockdown nila ang mga lugar kung saan mahina sila pagdating ng araw ng halalan.
Sa ngayon, nagsasagawa ng kani-kanilang survey ang mga mayor sa kanilang lugar para alamin kung sila ba ay malakas pa, na regular nilang ginagawa bilang paghahanda sa parating na eleksyon.
Diyan nila malalaman kung saan-saang lugar sa kanilang siyudad at munisipalidad sila malakas at mahina at pagdating ng kampanya ang mga lugar na mahina sila ang kanilang tinututukan para magpalakas.
Sa mga probinsya naman, inaalam nila kung saang mga barangay sila mahina at madalas din, pami-pamilya ang kanilang nililigawan dahil palakihan ng angkan sa mga lalawigan.
‘Yung mga barangay na kung saan sila natatalo ang kanilang tinatrabaho at nagpapakitang gilas kapag sila ay nanalo at naka-upo na para sa susunod na eleksyon ay wala nang problema.
Pero marami pa ring mga lugar na sadyang mahina ang isang kandidato kahit ano pang gagawing pagpapasikat sa mga tao kaya nakatatakot itong granular lockdown na ito kapag ginamit pa rin ito hanggang sa araw ng halalan sa Mayo 9, 2022.
Alam n’yo ba kung bakit? Puwedeng i-lockdown ni Mayor ang isang lugar kung saan siya mahina para hindi makaboto ang mga tao at malaking kabawasan ‘yan sa boto ng kanilang mga kalaban.
Puwedeng palabasin na may COVID-19 positive sa isang lugar kahit wala para hindi makalabas ang mga tao sa araw ng halalan at hindi makaboto at sa pamamagitan niyan, malaki ang kanyang pag-asa na makabalik sa puwesto.
Hindi ito malayong mangyari dahil sa isang probinsya, may isang mayorality candidate ang ginamit ang kanyang impluwensya sa dating trabaho at ni-lockdown nila sa isang lugar ng mga supporter ng isang incumbent mayor na nagpupulong.
Natunugan ni mayorality candidate na may pulong ang mga top supporters ni incumbent mayor sa isang lugar kaya pinaligiran nila ang lugar at hindi pinalabas ang mga tao hanggang matapos ang halalan.
May hinala kasi na ‘yung mga nagpupulong na mga supporter ni incumbent mayor ang mamimili ng boto kaya ni-lockdown ni mayorality candidate ang lugar kung saan sila nagpupulong kaya walang nakalabas.
Epektib naman dahil hindi nakagalaw ang mga tao at walang kumalat na pera ilang oras bago ang halalan kaya natalo si incumbent mayor.
Puwedeng gawin ‘yan ng mga incumbent mayor sa susunod na eleksyon… i-lockdown ang isang lugar na alam niyang hindi siya ang iboboto ng mga tao gamit ang kapangyarihan nilang magpatupad ng granular lockdown.
Kahit pa sinabi ng Commission on Election (Comelec) na puwedeng makaboto ang mga COVID-19 positive sa darating na halalan ay imposibleng mangyari ‘yan kapag ni-lockdown ni mayor ang isang lugar.
Maaaring magkakaroon ng malaking debate at gawan ng solusyon pero alam naman natin na hindi mabilis maglabas ng solusyon ang gobyerno sa isang problema dahil kailangan pa nilang pagdebatehan at kapag idinulog ito sa Korte, makakaasa ba tayo na agad maglalabas ng resolusyon si Huwes?
