GUNMAN TODAS SA ENGKWENTRO

HINDI na nagawa pang isugod sa pagamutan ang isang pinaniniwalaang gunman na pinili na lang makipagbarilan kesa sumuko sa mga pulis-Quezon City.

Kinilala lamang ng pulisya ang napaslang sa pangalang Jojo Muslim na di umano’y nagtangkang pumatay sa isang ginang sa Barangay Culiat, Martes ng madaling araw.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nabigo umano ang suspek na paslangin ang isang 32-anyos na ginang na si Maricar Umayam Escalera ng Purok 2, Bayanihan St. sa Barangay Culiat ng nasabing lungsod.

Batay sa inisyal na imbestigasyon nina Cpl Prince Joy Rivera at Cpl Juderick Latao, naglalakad na pauwi sa kanilang tahanan si Escalera nang biglang sumulpot ang suspek at nagpaputok ng baril sa direksyon ng biktima.

Masuwerte namang hindi nahagip ng bala ang biktimang kumaripas ng takbo palayo at agad na nagsumbong sa QCPD Holy Spirit Police Station 14.

Sa pagresponde ng Criminal Investigation and Detection Group ng Quezon City Police District sa pamumuno ni Major Jung Fortunato, hindi na inabutan pa ang armadong suspek.

Subalit sa follow-up operation, natunton agad ang kinaroroonan ng suspek. Pagdating sa Area 3, 7th Street ng Barangay Pasong Tamo, dakong alas 3:40 ng madaling araw, agad na nagpaputok ang suspek ng matunugan ang mga papalapit ng operatibang kagyat namang gumanti ng putok.

Nang humupa ang putukan, nakitang wala ng buhay ang suspek. Narekober din ang dalawang baril na pinaniniwalaang ginamit ng napaslang na gunman. (LILY REYES)

194

Related posts

Leave a Comment